Home OPINION 370,000 PINOY SA  US PAUWIIN NA

370,000 PINOY SA  US PAUWIIN NA

LAHAT na ng mga iligal na naninirahan sa United States, naghahanda na para lumikas o umalis sa nasabing bansa.

Ang pagpapaalis sa mga iligal na dayuhang naninirahan sa nasabing bansa ang isa sa mga uunahing gawin ng gobyerno ni nagbabalik-Pangulong Donald Trump.

Sa hanay ng mga dayuhang estudyante, mahigit 400,000 sila lahat at may kasamang mga Pinoy.

Sa mga hindi estudyante, nasa 370,000 lahat, ayon mismo kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Maituturing na iligal ang mga biglang nagtago sa US makaraang pumunta roon sa bisa ng tourist visa o mga nagpaso na ang kontrata sa trabaho ngunit walang renewal.

Meron din talagang naroon sa bisa ng mga pekeng papeles, human smuggling o trafficking.

May mga pumunta roon sa bisa ng mga fiancee visa ngunit inabandona sila ng inaahasan nilang mapapangasawa.

At ang maraming taga-Mexico, pumasok sila sa boundary ng Mexico at US na walang bantay.

Karaniwan, pagkaroon ng trabaho o negosyo ang dahilan ng mga iligal na naroroon at siyempre pa, iba ang dahilan talaga ng mga estudyante.

370,000 HINDI BIRO

Napakalaking bilang ang 370,000 na taong iuuwi sa Pilipinas.

Ilang barko ang kakailanganin para isakay ang mga ito?

Lalong higit na maraming eroplano ang gagamitin.

‘Yun bang === nangangahulugan na malaking halaga ang gugugulin mismo ng pamahalaan upang iligtas ang 370,000 sa pagkakabilanggo.

Gagamit man ito ng barko o eroplano.

Karaniwan namang “pagkatanggal ng karapatang bumalik sa US ng kung ilang taon” ang parusa.”

PANAHONG NAPAKAIGSI NA

May mga nagsasabing hindi pag-iinitan ni Trump ang mag Pinoy kaya dapat na magrelaks lang ang mga ito.

Maluwag at kaibigan daw ng mga Kano ang mga Pinoy.

Mabuti naman kung ganoon.

Pero kapag pinag-aralan mo kung sino-sino ang mga nagsasabing magrelaks lang ang mga iligal na Pinoy, anak ng tokwa, mga abogado o konektado pala sa mga abogado ang maiingay na ito.

Gusto lang pala nilang kumita sa kagipitan ng mga Pinoy.

At malamang na hindi ka lulusot kung wala kang papel o alanganin na papel o dahilan ang pagpunta at paninirahan mo roon.

Kaya naman, kesa makulong at gumastos ng malaki sa mga ligal na laban, mag-ipon na lang ng pamasahe para sa pagbabalik.

Pwede ring makabalik sa Pinas ang iba nang libre, kumontak at magpatulong lang sila sa mga embahada at konsuladong naroroon.

Enero 20, 2025 ang pag-upo ni Trump bilang Pangulo at kung susumahin ang panahon mula ngayon, napakaigsi na ang panahon.

11 MILYON LAHAT

Sa pagtaya ng Immigration and Customs Enforcement, may 11 milyon lahat ng mga iligal sa US.

Sa loob ng unang 100 araw ni Trump, inaasahang mapalalayas ang karamihan sa 11 milyong iligal.

Karaniwang hindi nadaraan sa suhol ang mga Kano sa ICE nila.

Kaya dapat kumilos na ang mga Pinoy at ang pamahalaan para sa maramihan pagbabakwit.