DUMAUSDOS pabalik ang Philippine peso sa P59:$1 level, araw ng Martes matapos na magpahiwatig si US President-elect Donald Trump ng karagdagang taripa sa mga kalakal mula sa ilang bansa.
Nawalan ang local currency ng isang sentimo para isara sa P59:$1 mula sa nagtapos na P58.99:$1, araw ng Lunes. Ito’y tugma sa record-low na na-establisa noong October 2022, na nakita rin.
Iniugnay naman ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort ang ‘depreciation’ sa naging pahayag ni Trump na lalagdaan niya ang executive order na sasampal ng 25% sa taripa sa mga kalakal na manggagaling mula Mexico at Canada at karagdagang 10% sa Tsina hanggang sa maharang nito ang smuggling ng fentanyl.
Tinukoy din nito ang “political noises” sa nakalipas na linggo.
Samantala, sinabi ni Ricafort na maaaring lumakas ang piso sa pamamagitan ng kamakailan lamang na pag-upgrade ng S&P Global Ratings’ outlook kung saan ang Pilipinas ay magiging positibo mula sa pagiging stable, tinukoy ang inilalarawan nitong “effective policymaking.” Kris Jose