Home NATIONWIDE P33 dagdag-minimum wage sa Zambo, aprubado

P33 dagdag-minimum wage sa Zambo, aprubado

MANILA, Philippines – Nakatakdang makinabang ang kabuuang 95,990 mangaggawa mula sa pribadong sektor sa Zamboanga Peninsula mula sa nakaambang pagtaas sa kanilang araw-araw na sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) 9.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang Wage Order No.RBIX-23 na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Nob.22 ay magsasaayos ng daily minimum wage sa rehiyon ng P33 ,mula P381 hanggang P414 sa non-agricultural sector kabilang ang mga service at retail establishments na nagpapatrabaho ng 10 o higit pang manggagawa.

Ang salary adjustment naman sa agricultural sector kabilang ang service at retail establishments na nagpapatrabaho ng isa hanggang siyam na manggagawa ay mula P368 hanggang P401.

Ang bagong wage order ay magkakabisa sa Disyembre 12.

Hindi naman saklaw ng minimum wage law and Registered Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act 9178.

Ang huling wage increase sa rehiyon na aabot sa P30 ay inaprubahan nooglng Nob.12,2023.

Sa kasalukuyan, sinabi ng DOLE na ang bagong wage orders ay inisyu para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa 10 rehiyon– National Capital Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON,Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula and Soccksargen.

Idinagdag pa na apat na wage orders ang inilabas para sa domestic workers sa Ilocos Region,Cagayan Valley, Western Visayas at Eastern Visayas.

Ang lahat ng wage orders ayon sa DOLE ay pinasimulan motu proprio.

Sa iba pang natitirang rehiyon, ang RTWPBs Cordillera Administrative Region (CAR) at Mimaripa ay nasa final stage ng kanilang minimum wage determination process.

Samantala, ang RTWPBs Northern Mindanao at Caraga ay nagsimula ng kanilang minimum wage determination process ngayong buwan habang ang RTWPB Davao ay nakatakdang magsimula sa Enero 2025.

Nagpasya ang RTWPB Bicol na ipagpaliban ang proseso ng pagtukoy sa sahod sa rehiyon dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine at patuloy na susubaybay at tasahin ang patuloy ba pagbawi at kondisyon sa rehiyon sa loob ng susunod na tatlong buwan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)