MANILA, Philippines- Kinastigo ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagsuspinde sa pag-iisyu ng guarantee letters (GLs) para sa medical related assistance sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ang hakbang na ito ng DSWD upang i-accommodate ang taunang proseso ng liquidation at account settlement nito ay nakatakdang magkabisa sa Disyembre 13, na posibleng makaapekto sa maraming mahihirap na benepisyaryo na nangangailangan ng karagdagang tulong-medikal.
Sa pampublikong pagdinig noong Lunes ng Committee on Health kasama ang finance, binigyang-diin ni Go na dapat matugunan ang isyu kasabay ng kanyang panawagan na dapat ay tuluy-tuloy at wala dapat hadlang sa mga serbisyo at tulong mula sa gobyerno para sa bulberableng Pilipino.
Kinuwestyon niya ang DSWD sa planong pansamantalang ihinto ang pag-iisyu ng GLs sa pagsasabing maraming mahihirap ang lalong mahihirapan sa paghahanap ng tulong-medikal o pinansyal.
“Eh papaano na lang po ‘yung mga magkakasakit? May deadline ba ‘yun? May extension ba ang buhay kung wala silang matatakbuhan?” tanong ni Go sa hingggil sa lohika ng pagsususpinde.
“Bakit hindi kayo gumawa ng sistema na tuluy-tuloy po ang serbisyo ng gobyerno? Eh paano ‘yung mga nagkakasakit na umaasa sa tulong ng gobyerno?” aniya pa.
Sinabi ni Go na ang mahihirap na Pilipino ay walang alternatibong pagkukunan ng tulong at marapat lamang na unahin ng gobyerno ang kanilang kapakanan sa lahat ng mga gastos at sa lahat ng oras, alinsunod sa mga umiiral na batas.
Iminungkahi ng senador sa DSWD na gumawa ng alternatibong solusyon upang maiwasan ang delay sa pagbibigay ng serbisyo at iminungkahi rin niyang magtabi ng mga pondo partikular para sa huling buwa o quarter ng taon upang matiyak na maipagpapatuloy ito.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng transparency sa mga proseso ng gobyerno ngunit nangatuwiran hindi ito dapat maging balakid sa pagbibigay ng mahahalagang tulong.
“Kailangan i-explain n’yo po ito sa publiko. Bakit n’yo sasabihin na meron kayong deadline, magsasara ng libro, at bawal na mag-avail ng assistance?” giit ni Go.
Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng DSWD na ang pagsususpinde ay kinakailangan upang sumunod sa financial protocols, na nagpapahintulot sa kanila na mag-ayos ng account sa mga service provider. Gayunpaman, tinutulan ito ni Go sa pagsasabing hindi dapat ikompromiso ang paghahatid ng mga kritikal na tulong at serbisyo.
Kinuwestiyon niya ang kawalan ng mga awtorisadong kinatawan mula sa DSWD sa pagdinig dahil sa kahalagahan ng isyung kinakaharap. Sa pagdinig, ipinag-utos niya ang pagpapalabas ng show cause notice sa mga opisyal ng DSWD na hindi nakadalo sa kabila ng pagkumpirma ng kanilang presensya.
Pinaalalahanan ni Go ang mga ahensya ng gobyerno, partikular ang DSWD, na seryosohin ang mga legislative hearing.
Sa huli, inulit ni Go ang kanyang pagkadismaya sa desisyon ng DSWD na magpataw ng cut-off sa pag-iisyu ng GLs, partikular sa panahon ng Kapaskuhan, kung saan ay maraming Pilipino na umaasa sa tulong ng gobyerno para sa medical at financial emergencies. RNT