MANILA, Philippines – Patuloy na sinusuri ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingan ng United States government na i-extradite si Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace press officer Claire Castro na marami at bulto-bulto ang mga dokumentong kailangang pag-aralan ng DOJ bago makapagbigay ng rekomendasyon sa usapin.
Isa sa sinusuri ng DOJ ay kung umiiral ang “double criminality” principle, o kung ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa Estados Unidos ay itinuturing ding krimen sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magdedesisyon sa magiging kapalaran ni Quiboloy matapos suriin ng DOJ ang extradition request.
Ayon kay Castro, alam ng DOJ na kailangang magkaroon ng desisyon sa lalong madaling panahon, ngunit kailangan munang matapos ang masusing pagsusuri sa mga dokumento.
Samantala, nahaharap si Quiboloy sa qualified human trafficking case sa Pasig Regional Trial Court (RTC) at hiwalay na kaso ng sexual abuse at maltreatment sa Quezon City RTC. RNT/MDS