Home NATIONWIDE Pagtaas ng kaso ng respiratory infections sa taglamig ibinabala ng DOH

Pagtaas ng kaso ng respiratory infections sa taglamig ibinabala ng DOH

MANILA, Philippines – Maaring tumaas ang mga kaso ng respiratory infections tulad ng karaniwang ubo at sipon, at maging ang COVID-19 ngayong lumalamig ang panahon sa gitna ng panahon ng Northeast Monsoon o “Amihan”, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na dapat protektahan ang mga maliliit na bata at matatanda dahil sila ang may mataas na panganib na magkaroon ng respiratory illnesses.

Sinabi ni Herbosa na babantayan din nila ang mga kaso ng influenza-like illnesses at water-borne disease sa panahon ng Amihan.

Kaya naman pinayuhan ni Herbosa ang mga tao na magsagawa ng maayos na hand sanitization, magsuot ng face mask kapag nasa pampublikong lugar, at tiyaking ligtas ang inuming tubig upang maiwasan ang pagkakasakit.

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng state weather bureau na PAGASA ang mas malamig na panahon sa mga darating na buwan dahil sa pumasok na ang Northeast Monsoon o “Amihan”.

Sinabi ng state meteorologist na ang Northeast Monsoon ay magdadala ng malamig at tuyong hangin sa karamihan ng bahagi ng bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)