Home METRO Pagtanggap ng mga pasyente sa emergency room ng PGH pansamantalang inihinto sa...

Pagtanggap ng mga pasyente sa emergency room ng PGH pansamantalang inihinto sa sunog

MANILA, Philippines – Pansamantalang sarado ang pagtatanggap o admissions sa emergency room ng Philippine General Hospital PGH, ayon sa pinakahuling update ng naturang pagamutan.

Ito ay matapos sumiklab ang sunog nitong hapon ng Miyerkules, Marso 13.

Sa inilabas na update ng PGH, nagsimula ang sunog sa Audiovisual Room ng Department of Medicine na may mga nakaimbak na mga office items at nakatakda para sa pagsasaayos.

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma at lahat ng opisina at pasyente sa Wards 1,2,3 at 4 kasama ang ICU ay inilikas sa Atrium.

Ang mga pasyente sa ICU ay dinala sa wards.

Idineklarang kontrolado ang sunog alas-3:45 at tuluyang naapula bandang alas-4:30 ng hapon.

Ayon pa sa PGH, ang kumpirmadong napinsala sa sunog ay mga nakaimbak sa nasabing kuwarto.

Nagbigay naman ng clearance ang fire marshall para makabalik ang mga pasyente sa mga ward.

Kaugnay ng sunog, wala namang panawagan para sa donasyon mula sa PGH kaya paalala ng ospital, lahat ng lumalabas sa social media ay hindi opisyal o ito ay peke.

“There is no call for donation from PGH so all of those coming out in social media are not official or may even be fake”, ayon pa sa PGH.

“Business as usual except sa ER,” dagdag pa.

“We will temporary close admissions to the ER, until further notice,” ayon pa sa abiso ng PGH. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleManager ng viral resort sa Bohol, nagsalita na: Chocolate Hills iniingatan namin
Next articleDrayber ng sasakyan na sinalubong ng motor sa Skyway, pinalaya na