Home HOME BANNER STORY Manager ng viral resort sa Bohol, nagsalita na: Chocolate Hills iniingatan namin

Manager ng viral resort sa Bohol, nagsalita na: Chocolate Hills iniingatan namin

MANILA, Philippines – Nagsalita na ang manager ng kontrobersyal na resort sa paanan ng Chocolate Hills na Captain’s Peak Garden and Resort na naisyuhan sila ng mga kaukulang permit para maitayo ang naturang resort.

Ayon kay Julieta Sablas, bagama’t alam nila na ang kanilang resort ay nasa protected area, iginiit nilang hindi nila magamit ang lupa bilang sakahan dahil ito ay “acidic.”

Dahil dito ay nagdesisyon umano ang kanyang kapatid na si Edgar Buton, na itayo ang resort, dahil sa magandang tanawin sa lugar.

“Aware na kami na protected area, pero mayroon namang mga kailangang gawin para mabigyan ng clearance,” pahayag ni Sablas sa panayam ng Teleradyo Serbisyo nitong Miyerkules, Marso 13.

Matatandaan na pinutakte ng sari-saring komento ang viral video tungkol sa resort na kumalat sa social media. Ayon sa mga netizen, nasira na ang ganda ng Chocolate Hills dahil sa itinayong resort.

Bagama’t may pagtatanggol sa kanilang ari-arian, inamin ni Sablas na bigo silang makakuha ng Environmental Compliance Certificate.

Idinipensa rin niya ang mga komento online at sinabing hindi nila sinira ang Chocolate Hills.

“Sila lang po ang nagsasabi na nakakasira, pero kapag nandito po kayo sa area namin, talagang hindi po eh,” aniya.

Handa umano silang makipagtulungan sa pamahalaan kapag nagsimula na ang imbestigasyon, sabay-sabing dapat ding imbestigahan ang iba pang tourism establishments.

“Sana patas, patas ‘yung gagawin nilang imbestigasyon. Hindi lang po Captain’s Peak Resort,” ani Sablas.

“Sana before po ‘yung negative comments ninyo, siguro mas maganda po na magtanong tanong muna tayo kung talagang mayroon po kaming nilabag na sinisira po namin ‘yung Chocolate Hills po,” pagpapatuloy niya.

“Kasi kapag nandito po kayo sa area, wala po talaga kaming nilabag, na Chocolate Hills na sinira namin or ano pang ginagawa namin. ‘Yung Chocolate Hills iniingatan po namin,” pagtatapos ni Sablas. RNT/JGC

Previous articleAmihan, shear line magpapaulan sa Luzon
Next articlePagtanggap ng mga pasyente sa emergency room ng PGH pansamantalang inihinto sa sunog