MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Quezon City Prosecutors Office ang pagpapalaya sa drayber ng Toyota Innova na sangkot sa fatal head-on collision sa isang motorsiklo sa Skyway Stage 3 sa Balintawak noong Linggo ng umaga, ayon sa opisyal ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, Marso 12.
Ipinaliwanag ni Police Capt. Jun Cornelio Estrellan, pinuno ng PNP-Highway Patrol Group South Luzon Expressway Sub Office, na mahigpit na sinusunod lamang ng pulisya ang proseso sa mga insidente lalo na kapag nagresulta ito ng kamatayan.
Sa kaso ng viral video, makikita ang isang motorcycle rider na mabilis ang andar, walang suot na helmet at binagtas pa ang maling bahagi ng kalsada. Sinabi ni Estrellan na ang paghahain ng kaso laban sa drayber ay bahagi ng protocol nang mamatay ang rider.
“Since there was death in this case, the police will automatically file the case with all the documents and leave the prosecutor to decide what is right on the incident,” ani Estrellan sa panayam ng Radyo Pilipinas.
Patungkol naman sa drayber ng Toyota Innova, sinabi ng QC Prosecutor’s Office na wala itong pananagutan sa insidente.
Dagdag ni Estrellan, nakatulong din ang desisyon ng pamilya ng motorcycle rider na huwag nang magsampa ng kaso laban sa drayber ng Innova.
“It was the brother of the motorcycle rider who represented the family who executed an affidavit of desistance. It was one of the reasons why the Innova driver was exonerated,” aniya.
Para naman sa mga enforcer ng Skyway, sinabi ni Estrellan na hindi nila umano agad napigilan ang pagpasok ng motorsiklo dahil mabilis ang takbo nito at tumatakbo sa kabilang panig ng kalsada.
Ang pinapayagan lamang na mga motorsiklo sa expressway ay ang mga mayroong 400cc displacement, at sa kaso ng viral video, ang motorsiklo ay may lower displacement kung kaya’t hindi ito dapat nasa Skyway. RNT/JGC