AKLAN- Iginiit ni Malay Mayor Frolibar Bautista na walang itinaas sa bayarin sa isla ng Boracay at maling impormasyon ang nakuha ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco.
Ani Bautista, sa loob ng ilang taon ay hindi nagbabago ang bayarin sa pagpasok sa pamosong isla ng Boracay simula sa noong 2022 at wala rin silang natatanggap na reklamo.
Una nang sinabi ni Frasco na nababahala ang mga stakeholder sa mataas na bayarin pagpasok sa pinakasikat na beach destination sa bansa, na hindi umabot sa target nitong 2.4 million tourist arrivals noong 2024.
Bago pumasok sa isla ng Boracay, ang mga turista ay kailangang magbayad ng terminal fee at environmental fee sa Caticlan Jetty Port sa mainland Malay, bukod sa pamasahe sa bangka.
Mula noong Setyembre 2022, ang mga domestic at foreign tourist ay nagbabayad ng P150 terminal fee bago pumasok. Ang environmental fee ay P150 para sa mga domestic na turista at P300 para sa mga dayuhang turista.
Sinabi ni Bautista na ang mga bayarin na ito ay napakahalaga upang mapanatili ng mga local government unit ang mga operasyon gaya ng pamahalaang panlalawigan ng Aklan na nagmementina ng mga daungan kung saan dumadaong ang mga bangka.
Ang environmental fee ay nagbibigay-daan sa Malay na maghakot ng mga basurang iniwan ng mga turista, manggagawa, at residente sa resort-island.
Sinani naman ni Jonathan Cabrera, dating Malay councilor, na kapag ang mga bayarin ay magbabago ito ay may kaukulang lokal na batas. “Ang mga bayarin ay maaaring kolektahin kapag mayroong umiiral na lokal na ordinansa,” ani Cabrera.
Dagdag nina Bautista at Cabrera, maaaring ang tinutukoy ni Frasco ay ang matagal nang reklamo tungkol sa oras na nasayang sa pagpila para magbayad ng iba’t ibang bayarin sa Caticlan Port.
Subalit, ito ay natugunan sa paglulunsad ng Boracay iPass, isang sentralisadong online payment system, noong nakaraang Disyembre. Tinutugunan ng iPass ang isyu ng mga papasok na turista na nagbabayad nang hiwalay para sa pamasahe sa bangka, terminal fee, at environmental fee sa daungan.
Ngunit may ilang indibidwal na nagreklamo ng karagdagang bayad kapag nagbabayad ng iPass sa pamamagitan ng GCash, PayMaya, 7-Eleven, o online bank transfers. Mary Anne Sapico