Home OPINION PAGTATAKIP NG MUKHA NG MOTORCYCLE RIDERS, IPINAGBAWAL SA MAYNILA

PAGTATAKIP NG MUKHA NG MOTORCYCLE RIDERS, IPINAGBAWAL SA MAYNILA

353
0

MAHIGPIT na ipinatutupad ng City Government of Manila ang isang bagong ordinansa na nagbabawal sa anomang uri ng pantakip sa mukha ng mga motorcycle rider, bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga krimeng isinasagawa ng mga suspek na nagtatago ng kanilang pagkakakilanlan.

Kinumpirma ni mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nilagdaan niya noong naka­raang Linggo ang City Ordinance No. 9134, o mas kilala bilang “Anti-Balaclava and Other Face Covering Ordinance.” Ayon sa may-akda ng batas na si district 1 (Tondo) councilor Rosalino “Jhun” Ibay, Jr., ang tinatawag na balaclava o ski mask ay matagal nang ginagamit ng ilang kriminal upang hindi makilala sa mga CCTV.

Sa ilalim ng ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal sa mga motorcycle rider ang pagsusuot ng anomang uri ng pantakip sa mukha katulad ng bonnet, ski mask, bandana, panyo, cap, som­brero, hoodie, at iba pang kahalintulad, lalo na kung sila ay nakasakay o bumababa ng motorsiklo upang mag-ayos nito o magsagawa ng transaksiyon sa mga pamilihan, bangko, at iba pang establisimyento. Hindi rin sila papayagang pumasok sa mga commercial at government establishments nang may naka­takip ang mukha.

Gayunpaman, may ilang exemptions ang ordinansa. Pinapayagan ang face mask kung may public health emergency ka­gaya ng pandemya. Hindi rin saklaw ng pagbabawal ang mga law enforcers na nasa tungkulin, mga may malubhang karamdaman, at mga kailangang gumamit ng turban o relihiyosong kasuotan bilang bahagi ng kanilang pananampalataya.

Inaatasan din ng ordinansa ang lahat ng establisimyento na maglagay ng malinaw na signage na nag-uutos sa riders na alisin ang anomang face cove­ring bago pumasok.

Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng Php1,000 hanggang Php5,000, depende sa bigat at dalas ng paglabag.
Ayon kay mayor Domagoso, layon ng ordinansa na mabawa­san ang mga insidenteng hol­dap, snatching, riding-in-tandem crimes, at iba pang krimeng ma­dalas isagawa ng mga taong nakatago ang mukha.

Sa mga nagdaang taon, pa­ulit-ulit na nakapagtala ang mga awtoridad ng mga krimeng kinasasangkutan ng riding-in-tandem suspects, kung saan ang mga salarin ay nakasuot ng ski mask, bonnet, naka-helmet, may hoodie at bandana.

Maraming kaso ng shooting incidents, robbery, at snatching sa Maynila at kalapit-lugar ang hindi agad nareresolba dahil sa kawalan ng malinaw na video o visual identification ng mga suspek. Sa madaling sabi, ang pagtatakip ng mukha ay nagbibigay sa mga kriminal ng mabilis na pagtakas at maliit na tsansang makilala.

Dahil dito, nilalayon ng ordi­nansa na mabawasan ang pag­kakataon ng mga kriminal na mag­tago sa simpleng pagta­takip ng mukha na isang elemento na matagal nang ginagamit upang takasan ang pagkakaki­lanlan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here