MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang bagong pagtatalaga ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na sinasabing paglabag sa Bangsamoro Organic Law (BOL) at pagsira sa usapang pangkapayapaan.
Sa isang editoryal na inilathala sa opisyal na website ng MILF na Luwaran.com, binatikos ng grupo ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Gobernador Abdulraof Macacua ng Maguindanao del Norte bilang pansamantalang punong ministro ng Bangsamoro government, kapalit ni Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim.
Kinumpirma ni BARMM spokesperson Mohd Asnin Pendatun ang pagkakatalaga kay Macacua noong Marso 10, kasama ang paghirang sa mga bagong miyembro ng BTA na nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang linggo.
Ayon sa MILF, ilan sa mga bagong itinalagang miyembro ng BTA ay hindi kasama sa opisyal na listahan ng kanilang mga nominado, na nagdudulot ng pagdududa sa sinseridad ng pamahalaan sa pagsunod sa proseso ng kapayapaan.
“Ang desisyon ni Pangulong Marcos na magtalaga ng mga indibidwal na wala sa opisyal na listahan ng MILF ay hindi lamang isang estratehiyang pampulitika—ito ay isang posibleng paglabag sa Bangsamoro Organic Law at isang pagtataksil sa proseso ng kapayapaan,” ayon sa pahayag ng MILF.
Ayon sa Section 2, Article XVI ng Republic Act No. 11054, ang MILF ang dapat manguna sa BTA bilang pagkilala sa kanilang papel sa usapang pangkapayapaan at upang matiyak ang tuloy-tuloy na pamumuno habang naghahanda ang rehiyon para sa kauna-unahang parliamentary elections sa 2025.
Gayunpaman, ayon sa ilang ulat, ang ilan sa mga bagong miyembro ng BTA ay hindi kabilang sa opisyal na listahan ng MILF, na ayon sa grupo ay nagpapahina sa kanilang liderato at sumusuway sa mga kasunduang nakasaad sa BOL.
Bagamat tiniyak ng pamahalaan ng Bangsamoro na magiging maayos ang paglipat ng liderato at patuloy ang serbisyo, nagbabala ang MILF na ang hindi pagsunod sa kanilang mga rekomendasyon ay maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak at paglala ng tensyon sa rehiyon. RNT