Home NATIONWIDE Pagtatatag ng ‘paramilitary groups’ malapit sa WPS target ng partido ni Honasan

Pagtatatag ng ‘paramilitary groups’ malapit sa WPS target ng partido ni Honasan

MANILA, Philippines- Binabalak ng Reform PH Party ng pinamumunuan ni Gringo Honasan na magtatag ng “paramilitary groups” sa tinawag niyang “key sensitive locations” tulad ng mga lugar malapit sa West Philippine Sea (WPS). 

Inihayag ng partido ng dating senador nitong Linggo na nilalayon nitong paigtingin ang “efforts in protecting the country’s sovereignty in its territory and exclusive economic zones (EEZ)”. 

Sinabi ito ng partido halos isang linggo matapos banggain ng China Coast Guard (CCG) vessel ang isang Philippine rubber boat na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. Naputulan ng hinlalaki si Seaman First Class Jeffrey Facundo sa insidente, kung saan may iba pa umanong Philippine Navy officers ang nasugatan.

Hindi nagtakda ng timeline ang Reform PH Party para sa pagtatatag ng paramilitary groups, subalit tiniyak sa publiko na sasailalim ang mga ito sa “training and will aid our Armed Forces in protecting our sovereignty and assist in disaster preparedness and relief operations.”

“Our people, (who are) outside of the military,  should be prepared for any eventuality. The invaluable lessons of [typhoons] Ondoy and Yolanda have taught us that civilian mobilization is critical to any disaster,” anang partido.

Subalit, nilinaw nitong hindi ito nananawagan ng digmaan.

“Hindi tayo nanawagan ng isang digmaan. Walang sino man sa atin ang nagnanais maantala ang pagbangon ng ating ekonomiya at ang payapang pamumuhay ng ating mga mamamayan. Subalit kinakailangan nating maging handa,” giit ng partido.

“We continue to pray for peace and the end of all wars in the world. Mabuhay ang Pilipinas,” anito pa.

Si Honasan ang chairman ng partido, habang nagsisilbi si dating Philippine Navy Captain James Layug na presidente nito. RNT/SA