Home NATIONWIDE Pagtatayo ng bagong gusali ng NBI, sinimulan na

Pagtatayo ng bagong gusali ng NBI, sinimulan na

MANILA, Philippines – Magkakaroon na ng bagong gusali ang tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Taft Avenue sa Maynila matapos isagawa ang groundbreaking ceremony ngayong Sabado, Hunyo 8.

Pinangunahan ang seremonya ni NBI Director Medardo De Lemos kasama sina Senator Imee Marcos, Senator Aquilino Pimentel, DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Chief Justice Reynato Puno, at iba pang mag opisyal at dating opisyal ng ahensya.

Sinabi ni De Lemos na aabot sa halagang ₱434,306,886.56, ang bagong gusali habang nagkakahalaga ng ₱2.5 bilyon ang proposed building project kasama na ang site development.

Sinabi ni De Lemos na sa loob ng tatlong taon, o hanggang 2027 ay matatapos ang gusali ng NBI.

May tatlong tower ang bagong gusali na binubuo ng 12 palapag, roof deck at helipad na may lawak na 49,644.00 sq.m, multi-level parking, dormitoryo para sa mga pansamantalang ahente at empleyado, isang gymnasium, at isang shooting range.

Noong 2019, idineklara ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na unfit na ang NBI building matapos na maapektuhan ng 6.1 magnitude na lindol noong Abril 2019, kaya karamihan sa mga opisyal at kawani ay naobligang lumipat sa iba’t ibang lugar.

Sa kasalukuyan ang NBI ay nag-o-opisina sa gusali ng V-Tech Tower sa Lungsod ng Quezon City na inuupahan ng kawanihan. Jocelyn Tabangcura-Domenden