MANILA, Philippines – Ipinag-utos na ng Department of Health ang pagtatayo ng airconditioned cooling centers at hydration stations, bilang pangontra sa matinding init.
Kasabay ito ng inilabas na updated guidelines laban sa matinding epekto ng init ng panahon sa kalusugan ng tao.
Ayon sa DOH, ang pagtatayo ng airconditioned cooling centers at hydration stations ay layon na maibsan ang epekto ng matinding init lalo na’t inaasahan pang tataas ang heat index sa mga susunod na araw, batay sa DOH Memorandum.
Kabilang sa hakbang na ipinag-utos ni Health Secretary Ted Herbosa sa lahat ng DOH unit ang paglalagay ng cooling centers at hydration stations.
Ang naturang cooling centers ay air conditioned o maayos ang daluyan ng hangin at ilalagay malapit sa mga ruta ng pampublikong transportasyon na madaling puntahan kahit ng mga matatanda, bata, buntis at may kapansanan.
Magtatatag din ng hydration stations sa DOH facilities para naman may access ang publiko sa malinis na inuming tubig lalo na sa katirikan ng araw mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon.
Muli namang pinayuhan ni Sec. Herbosa ang publiko na magsuot ng komportableng damit at iwasang magbilad sa araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden