Home METRO Pagtatayo ng tulay na magkokonekta sa Luzon,Visayas itinutulak ng solon

Pagtatayo ng tulay na magkokonekta sa Luzon,Visayas itinutulak ng solon

TACLOBAN CITY- Isinusulong ng isang mambabatas ang konstruksyon ng tulay na magkokonekta sa Luzon at sa Visayas upang ibsan ang seaport congestion at tugunan ang problema ng mga pasahero na nai-stranded tuwing may bagyo.

Sinabi ni House Minority Floor Leader Marcelino Libanan, kinatawan ng party list 4Ps, na maaaring pagdugtungin ang dalawang major islands sa pamamagitan ng Northern Samar province sa Visayas at Sorsogon province sa Luzon. Ani Libanan, makatutulong din ang tulay sa pagpapasigla ng economic activities dahil makapagreresulta ito sa “more mobility” ng mga tao at produkto, partikular para sa small businessmen at entrepreneurs.

Sumasakay ang mga residente ng Visayas provinces, partikular ang mga nasa Eastern Visayas region, ng ferries sa mga seaports sa Northern Samar kapag kailangan nilang pumunta sa Luzon sa pamamagitan ng Matnog, Sorsogon.

“We are calling on the government’s economic planners to include the Sorsogon-Northern Samar Bridge over the San Bernardino Strait in the Mega Bridge Program,” ani Libanan.

“The bridge will solve the recurring problem of seaport congestion and thousands of passengers getting stranded during weather disturbances,” dagdag niya.

Ani Libanan, batay sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (Neda), “feasible” ang pagtatayo ng Luzon-Visayas Bridge.

Sa pag-aaral, tinatayang gagastos ng P284 bilyon para sa tulay na aabutin ng anim na taon at may habang halos 28 kilometro.

Dahil malaki ang magagastos sa proyekto, iminungkahi ni Libanan na hatiin ito sa phases.

“All we want is for this to be started early,” giit niya.

Kabilang sa proposed projects sa ilalim ng Mega Bridge program ng pamahalaan ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridges; Bataan-Cavite Interlink Bridge; Samal Island-Davao City Connector Bridge; Cebu-Mactan 4th Bridge and Coastal Road; Panguil Bay Bridge; Panglao-Tagbilaran City Offshore Bridge Connector; tatlong tulay sa Tawi-Tawi; at Guicam Bridge.

Nakaplano ito sa “Build, Build, Build” program ng Department of Public Works and Highways sa administrayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT/SA