MANILA, Philippines- Inihayag ng ilang advocacy groups ang pagkaalarma nitong Biyernes sa executive order na nagtatakda ng retail price ceilings sa bigas sa buong bansa dahil maaari umano itong magresulta sa mas mababang farmgate prices ng bilihin na makaaapekto sa mga magsasaka.
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang joint recommendation ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade of Industry (DTI) na magtakda ng price ceilings sa bigas sa bansa, ayon sa Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang mandated price ceiling para sa regular milled rice ay P41 kada kilo habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay P45 kada kilo, base sa EO.
Nag-ugat ang pagpayag ni Marcos sa price ceiling mula sa pagsirit ng retail prices ng bigas sa mga lokal na pamilihan. Pumapalo ang presyo kada kilo nito sa P45 hanggang P70.
Subalit, hindi sinang-ayunan ni AMIHAN National Federation of Peasant Women secretary general at Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo ang price ceiling.
“Posibleng ibunga nito ang todong pambabarat ng presyo ng palay, dahil nga sa rule of thumb nila na ang presyong retail ay times two ng farmgate…,” giit ni Estavillo.
Gayundin ang pananaw ni IBON Foundation research head Rosario Guzman ukol sa retail price ceiling sa bigas.
“The lowest price of regular-milled rice, based on DA (Department of Agriculture) monitoring, is P42 per kilo, the President sets the price ceiling at P41. Without meaningful production support and crackdown on traders’ price-taking, the farmers will only bear the EO with much lower farmgate price than what they are already receiving,” pahayag ni Guzman.
“Invoking the Price Act is useful in emergency situations. But our rice problems are long-drawn problems of neglect and trade liberalization. The President’s EO does not address these,” dagdag niya.
Tumutukoy ang farmgate prices sa halagang natatanggap ng mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang ani.
Ayon naman kay Federation of Free Farmers Cooperatives national manager Raul Montemayor, ang price ceilings “look unrealistically low.”
“If traders/millers cannot sell at that price, then either they will stop selling rice, or they will shift to, or rebrand, their rice products to grades other than regular milled rice or well milled rice in order to evade the price cap,” ani Montemayor.
Inihayag ng Kilusang Mangbubukid ng Pilipinas (KMP) na maaari pang babaan ang price cap kapag ang tinatawag na “rule of thumb” sa pagtatakda ng retail prices ay inobserbahan.
“Sa totoo lang, kaya pang ibaba ng mas mababa kaysa sa P41 at P45 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice at well milled rice, kung susundin lang ang rule of thumb sa pagtatakda ng presyo ng bigas,” anang KMP.
“Halimbawa, kung nabili ng rice traders sa median price na P19 hanggang P22 kada kilo ang palay at idagdag pa ang mga mga gastusin sa milling, drying, hauling, transportasyon at iba pa, kung babatay sa rule of thumb, dapat nasa P30 hanggang P37.40 lang ang magiging presyo ng kada kilo ng bigas,” dagdag nito.
Nanawagan ang KMP sa gobyerno na tugisin ang rice cartels, na nagmamanipula sa supply at presyo ng bigas sa local market. RNT/SA