MANILA, Philippines – Bilang tugon sa panawagan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na alisin ang mga sagabal sa mga kalsada, nagboluntaryo ang mga opisyal ng Barangay 167 sa Tondo, Maynila na ipa-demolish ang kanilang 15-anyos na barangay hall.
Pinuri ng Alkalde ang mga opisyal ng Barangay 167 noong Martes ng umaga, Hulyo 15, sa kanyang pag-inspeksyon sa demolition site sa kahabaan ng Cavite Street, Juan Luna, Tondo.
“Sila na mismo ang nag-volunteer, nasa kalsada ang barangay hall. Sila na mismo ang tumawag sa Pamahalaang Lungsod. Nasa kalsada talaga. Matutuwa talaga ang kanilang mga kapitbahay,” ani Domagoso.
Pinuri rin ng Alkalde si Barangay 167 chairwoman Peony Edsel Acosta sa pagbibigay ng halimbawa para sa iba pang mga opisyal ng barangay, na idiniin na ang mga road-clearing operations ay mahalaga upang gawing mas ligtas at mas madaling mapuntahan ang mga lansangan sa Maynila.
“Syempre, natutuwa tayo pag may katulad nina Barangay Chairwoman Acosta na nagkukusa, na sa ganoon, maging maaliwalas ang lungsod. Sana matularan ng iba pang natitirang mga barangay,” ani Domagoso.
Ayon kay Domagoso, layon ng lokal na pamahalaang lungsod na ibalik ang mga pampublikong kalsada at bangketa sa mga tao.
“Ang gusto ko lang naman, maibalik lang sa tao ang mga kalsada, at nang gamit nila, para ’yung tao rin, maging inspirasyon sa kanila na kahit na nakaparada sila sa kani-kanilang tapat ng bahay, aayusin din nila ang sarili nila,” giit ng Alkalde.
Gayunman, aminado si Domagoso na magtatagal ang kampanya hinggil sa paglilinis ng mga bangketa sa lungsod dahil nasa 40 porsiyento ng mga barangay ang gumagamit pa rin ng mga bangketa at kalsada para sa mga istruktura ng barangay o iba pang layunin.
“Kasi ‘yung pamahalaan, hindi naman talaga titigil. Mahaba-haba ito. Pero kung talagang obstruction, nakikisuyo naman tayo,” ani Yorme.
Samantala, nagpasalamat naman si Acosta sa Alkalde dahil agad itong nagbigay ng suporta matapos ang demolisyon.
“Almost 15 years na itong barangay hall. Sumusunod po tayo sa panawagan at direktiba ng ating Mayor Isko Moreno. Mayroon po kaming bagong barangay hall na nakatayo, doon na lang po muna kami,” ani Acosta.
“Sabi naman po ni Mayor Isko, tutulungan niya po kaming mapaganda ang lugar na ito. Mamaya po, agad-agad, magpapadala po siya ng mag-aayos po ng mini-garden. Bukas po, magsasagawa rin sila City Engineer Armand Andres, magiging maayos ang ating mga spaghetti wires, dangling wires,” dagdag pa ng punong barangay.
Aminado naman si Yorme na hindi kakayanin ng pamahalaang lungsod ang nasbaing paglilinis kaya’t nananawagan ito sa mga Manilenyo na makiisa gayundin sa mga opisyal ng barangay.
“At the end of the day, we cannot do it alone. But until ang taumbayan, mga barangay, pamahalaang lungsod, at national government are towards one direction—to make Manila pleasant, and the peace and order situation, maibigay natin sa tao,” ani Domagoso. JAY Reyes