MANILA, Philippines – Itinanggi ni National Security Adviser Eduardo Año ang kumakalat na pekeng dokumento na nagsasabing hinihikayat ng Estados Unidos ang gobyerno ng Pilipinas na unahin ang impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Año, wala sa kanilang opisyal na tala ang naturang dokumento at pawang imbento lamang ito.
Ang pekeng memo, na may letterhead ng National Security Council (NSC), ay nagsasaad na itinuturing ng US si Duterte bilang panganib sa pulitika at sinusuportahan umano ng US ang kanyang impeachment.
Nilinaw ni Año na nagkaroon man siya ng pagpupulong kay US counterpart Mike Waltz, ay tinalakay lamang nila ang pagpapalakas ng alyansa ng PH at US at ang seguridad sa rehiyon, lalo na sa South China Sea.
Nangako si Año na magsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng pekeng dokumento. Kinumpirma rin ng US Embassy na peke ang dokumento. RNT