MANILA, Philippines – Itinakda na ng Department of Justice sa Mayo 9 ang unang preliminary investigation sa kasong grave threats at sedition laban kay Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma ni Prosecutor General Anthony Fadullon na nagpadala na ito ng mga summons para humarap ang bise presidente sa preliminary investigation.
Sa preliminary investigation susuriin at aalamin ng mga prosecutor kung may sapat at matibay na “prima facie evidence” upang isampa sa korte ang kaso.
Nabatid na idaraos ang pagdinig ng DOJ sa May 9 at May 16.
Una nang kinumpirma ni Duterte na nakatangap na ito ng summon mula sa DOJ.
“In fact, ako man ay naka-receive din kanina ng summons sa Office of the Prosecutor sa finile ng National Bureau of Investigation na kaso laban sa akin,” ani Duterte sa ambush interview sa mga mamamahayag sa Leyte.
Nag-ugat ang reklamo ng NBI laban kay Duterte dahil sa pahayag nito na kumuha na umano siya ng hitman na siyang papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling may masamang mangyari sa kanya. Teresa Tavares