Home HOME BANNER STORY Pagtulong ng China sa mga sugatang Pinoy sa Bajo de Masinloc, itinanggi...

Pagtulong ng China sa mga sugatang Pinoy sa Bajo de Masinloc, itinanggi ng PCG

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, Hulyo 1 na hinadlangan ng China ang pagsagip sa mga nasugatang mangingisdang Pilipino malapit sa Bajo de Masinloc, taliwas sa sinasabi ng Beijing na nakipagtulungan ito.

Makikita sa mga video na inilabas ng Chinese state media na tinutulungan umano ng China Coast Guard (CCG) ang dalawang mangingisdang Pinoy na nagtamo ng second-degree burn kasunod ng pagsabog ng makina sa kanilang fishing boat.

Ngunit sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang CCG at iba pang maritime militia boats ay humarang sa mga awtoridad ng Pilipinas habang papalapit sa Bajo de Masinloc.

Nagbabala rin umano ang CCG na aarestuhin nila ang mga mangingisda kapag hindi sila makikipagtulungan.

“Noong napansin nila na ang Coast Guard vessel is speeding our way papalapit ng Bajo de Masinloc, we were still subjected to blocking, dangerous maneuver and harassment. That’s why it took us longer to arrive dito sa lugar ng ating mga mangingisdang Pilipino,” sabi ni Tarriela sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Sinabi rin ni Tarriela sa hiwalay na panayam na ang PCG sa kalaunan ay “nagtagumpay na madaig ang mga RHIB at matagumpay na ilipat ang mga nasugatan na mangingisda para sa agarang pangunang lunas.”

“They’re saying na sila daw mismo ay nag-alok na tumulong, sila raw mismo ay nag-assist sa pag-rescue. But that never really happened,” sabi ni Tarriela.

Ang mga video na inilabas ng Chinese state media Global Times ay nagpakita ng isang Chinese coast guard vessel na naglalabas ng isang mensahe sa radyo na ito ay “nag-aayos ng isang rescue operation.”

Ipinakita rin ang pagpapakalat ng mga bangka, paghahagis ng mga lifebuoy at life jacket sa lumulubog na bangka ng mga Pilipino, at pakikipag-ugnayan sa mga mangingisda.

Sa panig ng Pilipinas, ay naririnig ang sinasabi sa radio na “China Coast Guard vessel 3105, thank you for your cooperation.”

Inamin ni Balilo na nag-alok ng tulong ang CCG, ngunit mas pinili ng mga mangingisda na kunin ang tulong ng PCG.

“Nag-offer sila ng help pero parang hindi na sila pumayag kasi alam nila parating na ‘yong Philippine Coast Guard,” sabi ni Balilo.

Sinabi ni Tarriela na ang Global Times ay “nakikipagpunyagi sa pag-edit ng kanilang mga video sa pagkakataong ito.”

“Otherwise, they could have uploaded their lies immediately before I even had a chance. Another proof that we rescued them is the photo showing that they boarded our ship, not the China CG ship,” dagdag pa ng PCG-WPS spokesperson.

Ang mga sugatang mangingisda ay nagpapagaling na sa ospital, ayon sa PCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden