Home NATIONWIDE Pasahero na-stuck sa luggage compartment ng eroplano sa severe turbulence

Pasahero na-stuck sa luggage compartment ng eroplano sa severe turbulence

BRAZIL – Na-stuck sa luggage compartment ng eroplano ang isang pasahero matapos makaranas ng severe turbulence ang Air Europa Flight UX045 nitong Lunes, Hulyo 1.

Nasa 30 katao ang nasaktan sa naturang insidente kung saan anim ang kinailangang dalhin sa ospital.

Ang eroplano ay bumibiyahe mula Madrid, Spain patungo sa Montevideo, Uruguay at nagsagawa ng ‘unscheduled landing’ sa Natal, Brazil.

Ayon sa ulat, nagsimulang bumulusok pababa ang Boeing 787-9 Dreamliner na mayroong sakay na 325 pasahero.

Sinabi naman ng health secretariat mula sa Rio Grande do Norte state, kung saan matatagpuan ang Natal, ang 30 pasahero ay nagtamo ng minor abrasions o orthopedic traumas.

Samantala, lumipad na patungong Montevideo ang replacement flight para sa mga apektadong pasahero.

Posibleng dahil sa climate change umano ang sanhi ng napapadalas na mga turbulence, ayon sa isang analyst.

Wala pang tugon ang naturang airlines.

Matatandaan na isa ang nasawi at marami ang nasaktan nang makaranas din ng severe turbulence ang Singapore Airlines flight mula London patungong Singapore. RNT/JGC