Home METRO Pulis, 2 kasama nito arestado sa iligal na pagbebenta ng baril sa...

Pulis, 2 kasama nito arestado sa iligal na pagbebenta ng baril sa Taguig

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang pulis at dalawang kasama nito sa entrapment operation nitong Martes, Hulyo 2 sa Taguig.

Nakumpiska sa perasyon ang dalawang caliber 9mm, isang M16 rifle, mga bala, at P2,000 marked money.

Nakuha rin sa mga suspek ang isa pang pistola na may logo pa ng Armed Forces of the Philippines.

Ilang buwan nang minanmanan ang tatlong suspek sa Barangay Cembo sa Taguig.

Ayon kay PMaj. Maynard Pascual, acting chief ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Southern Police District, iligal na ibinibenta ng mga suspek ang mga baril online.

CALABARZON at iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang nagsisilbing area of operation ng mga suspek.

“This is in preparation for 2025 elections… yung pulis na isang suspek ay active, assigned siya sa ating regional [personnel] holding and accounting section of NCRPO,” ayon kay Pascual sa panayam ng ABSCBN News.

“Itong pulis na ito ay may pending case na illegal discharge of firearms,” dagdag pa niya.

Aabot sa P90,000 hanggang P250,000 ang bentahan sa mga baril.

Mayroon nang ideya ang pulisya kung saan nito nakukuha ang mga suplay ng baril.

“We will request for verification (sa) records ng baril at kung sino ang may-ari and turn over to our forensic for possible examinations,” sinabi ni Pascual.

“Andoon yung logo ng AFP but we will wait for verification. Kanino ang baril, may-ari ng baril na yun na may AFP logo,” dagdag pa niya.

Bineberipika na rin kung lisensyado ang mga ito.

Kasalukuyang nakadetene sa Southern Police District ang mga suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT/JGC