Home NATIONWIDE Pagtutok ng China Navy ng laser sa BFAR plane kinondena ng NMC

Pagtutok ng China Navy ng laser sa BFAR plane kinondena ng NMC

MANILA, Philippines- Hindi palalampasin ng Pilipinas ang ginawa ng People’s Liberation Army-Navy (PLAN’s) na pag-umang ng laser sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang panayam, tinukoy ni National Maritime Council (NMC) spokesman Undersecretary Alexander Lopez ang insidente bilang isang “gross violation of international laws,” kabilang na ang UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

”We don’t take this lightly, as such irresponsible, dangerous, and provocative actions conducted well within our EEZ, impacts on the safety and security of overflights in our maritime domain, notwithstanding a gross violation of international laws and the UNCLOS,” ayon kay Lopez.

Aniya pa, isusumite ang report sa Department of Foreign Affairs para sa “most appropriate diplomatic action” kaugnay ng insidente.

Sinabi ni Lopez na ang lasers ay maaaring maging dahilan ng pansamantalang pagkabulag at maaaring magdulot ng matinding panganib sa kaligtasan at seguridad kapag itinutok sa direksyon ng cockpit ng piloto.

”The laser illuminated a ‘high-intensity light’ and may affect pilots’ focus or concentration while on flight,” giit ni Lopez.

Sa ulat, hinabol ng dalawang barko ng China ang barko ng BFAR sa WPS at tinutukan din ng laser ang eroplano ng ahensya na nagsasagawa ng air patrol sa nasabing lugar.

Patungo sa Hasa-Hasa Shoal ang BRP Datu Romapenet, isang civilian vessel ng BFAR, noong Biyernes, Setyembre 27 para magdala ng suplay ng pagkain sa mga mangingisdang Pinoy doon. Kasama nito sa paglalayag ang BRP Datu Matanam Taradapit.

Habang naglalayag ang dalawang barko, binuntutan ito ng dalawang missile boat ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China.

Namataan din sa hindi kalayuan ang isang barko ng China Coast Guard (CCG). Ang barkong ito ang natukoy na dating bumangga sa BRP Bagacay ng Philippine Coast Guard at BRP Sanday ng BFAR.

Isang aircraft naman ng BFAR na nagpapatrolya sa lugar ang tinutukan ng laser ng Chinese warship.

Rumadyo lamang ang BFAR plane sa Chinese missile boat pero hindi sila sumagot.

Ayon sa isang non-profit military association US Naval Institute, ang Houbei-class guided-missile craft ng PLAN ay madaling mamukhaan dahil sa kulay asul na camouflage na pintura nito.

Mayroon lamang itong 12 crew at kayang magkarga ng walong anti-ship cruise missiles. Kris Jose