MANILA, Philippines- Nanguna ang 10 sa 12 senatorial aspirants na suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pinakabagong Social Weather Stations senatorial preference survey na kinomisyon ng Stratbase Group.
Pinapili sa survey, isinagawa mula Setyembre 14 hanggang 23, ang kabuuang 1,500 adult respondents sa buong bansa mula sa listahan ng 12 pangalan na posibleng iboto nila bilang senador.
Narito ang eksaktong tanong:
“Narito po ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato para sa mga SENADOR NG PILIPINAS. Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang mga SENADOR NG PILIPINAS? Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 pangalan.”
Nanguna sa listahan si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, sa 54% ng mga botanteng nagsabing iboboto nila ito kung isinagawa ang eleksyon sa nasabing survey period.
Sinundan siya ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa ikalawang pwesto sa 34%, mas mataas ng dalawang pwesto mula sa March 2024 SWS survey.
Kasunod nila si re-electionist Senator Pia Cayetano sa ikatlong pwesto sa 31%.
Kapwa naman nasa ika-apat hanggang ika-limang pwesto sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at re-electionist Senator Imee Marcos matapos makakuha ng tig- 25%.
Sa ika-anim hanggang ika-pitong pwesto naman ay nagsama sina dating Senator Panfilo “Ping” Lacson at re-electionist Senator Bong Revilla Jr sa 24%.
Malaki ang itinaas ng rating ni House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar at tinukoy sa survey na “bigger gainer” matapos mapasama sa top 12 sa ika-walong pwesto sa 21%.
Pasok din si Makati Mayor Abigail Binay sa top 12 at nasa ika-siyam hanggang ika-10 pwesto kasama si re-electionist Senator Lito Lapid ng may tig-20%.
Samantala, bumaba ang ranking ni dating senator Manny Pacquiao sa 11th to 13th place sa 18% mula sa ika-anim hanggang ika-pitong pwesto noong Marso.
Gayundin sina Senators Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa na kasama sa 11th to 13th spot ni Pacquiao matapos bumaba ang preference para kay Dela Rosa ng limang porsyento at preference kay Go ng isang porsyento.
Mula sa 12 senatorial aspirants na inendorso ng administrasyon, tanging sina re-electionist Senator Francis Tolentino at Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang hindi nakakuha ng pwesto sa top 12.
Sa isang media release, kinumpirma ng SWS na ito ang nagsagawa ng commissioned survey.
Inihayag ng poll firm na nagtalaga ito ng sariling staff para sa questionnaire design, sampling, fieldwork, data processing, at analysis para sa survey operations.
Anito, ang sampling error margins ng survey ay ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% para sa Balance Luzon, at tig-±5.7% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT/SA