Home NATIONWIDE Pagwakas sa decommisioning, ipinangako ng gobyerno, MILF

Pagwakas sa decommisioning, ipinangako ng gobyerno, MILF

1
0

MANILA, Philippines – Nangako ang peace implementing panels ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tapusin ang decommissioning ng natitirang combatants at iba pang bahagi ng normalization process.

Sa joint statement matapos ang special meeting noong Biyernes, Setyembre 25, sinabi ng dalawang panig na ipagpapatuloy nila ang political at normalization tracks ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ayon kay Presidential Peace Adviser at panel chairman Mel Senen Sarmiento, mahalagang makumpleto ang decommissioning at normalization upang makabuo ng mas ligtas na mga komunidad.

“We now have to give the same energy and urgency to normalization,” ani Sarmiento.

Sinabi naman ni MILF panel chief Mohagher Iqbal na nagtipon sila upang ipagpatuloy at tapusin ang mga napagkasunduan sa CAB.

“We come to Kuala Lumpur with renewed confidence. We do not meet to reopen what we settled. We meet to resume and complete the work we signed up for. The Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) is not unfinished business that we revisit when convenient,” ani Iqbal.

Nasuspinde ng MILF noong Hulyo 2025 ang decommissioning ng natitirang miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), hanggang sa magkaroon umano ng malaking progreso ang gobyerno sa iba pang normalization commitments, kabilang ang socioeconomic package para sa nasa 26,000 decommissioned combatants.

Tinatayang nasa 14,000 MILF combatants at hindi bababa sa 2,500 armas ang hindi pa nade-decommission.

Inaprubahan din ng dalawang panel ang Terms of Reference para sa Technical Working Group on Roadmap Development for the Implementation of the CAB at nilagdaan ang dagdag na kasunduan para mapabilis ang socioeconomic interventions para sa decommissioned combatants at anim na dating kinikilalang MILF camps.

Nagkasundo rin sila sa prinsipyo ng framework para sa Small Arms and Light Weapons Management program, kabilang ang usapin sa disbandment ng private armed groups at decommissioning ng combatants.

Patuloy namang pag-uusapan ang revitalization ng International Monitoring Team at ang rekomendasyon para sa paglalagay ng mga armas sa hindi na magagamit na kondisyon.

“We intend to deliver that change without delay,” ani Sarmiento.

Sinabi ni Iqbal na nananatiling committed ang MILF sa peace process at mapayapang paglutas ng mga natitirang usapin. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here