WASHINGTON, United States – Tinanggihan ni US President Donald Trump ang panukala ng Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz at tapusin ang labanan sa Middle East.
Iniharap ng Iran ang panukala sa United Nations General Assembly at ipinadala umano sa US sa pamamagitan ng Qatar. Sa ilalim nito, maaaring muling buksan ang strategic waterway at magkaroon ng tigil-putukan sa rehiyon sa loob ng pitong araw.
Sa White House, sinabi ni Trump na tinanggihan niya ang alok ng Iran.
“I reject their proposal. … I rejected their deal. They want to make a deal to open the Hormuz Strait immediately because they’re losing so badly,” aniya. “We’re winning tremendously.”
Sinabi rin ni Trump na nais ng Iran na agad buksan ang Strait of Hormuz dahil umaasa ito sa kita mula sa naturang ruta.
Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, nakahanda ang Tehran na buksan ang Strait of Hormuz sa loob ng pitong araw kung magkakaroon ng kasunduan sa US at mapahinto ang labanan. Maaari rin umanong simulan ang mas malawak na usapan tungkol sa nuclear program ng Iran.
Sinabi naman ni Iranian President Masoud Pezeshkian na handa ang Iran sa negosasyon ngunit hindi tatanggap ng “bullying or coercion.” Iginiit niyang hindi naghahanap ng digmaan ang Iran ngunit ipagtatanggol nito ang sarili laban sa mga banta at pag-atake.
Nagsimula ang kasalukuyang labanan noong Pebrero 28 matapos ang mga pag-atake ng US at Israel. Simula noon, nagkaroon ng mga tigil-putukan at muling pag-atake na nakaapekto sa oil shipments at pandaigdigang ekonomiya. RNT/MDS