Home METRO Pahalik sa manto ng Our Lady of Peace and Good Voyage bubuhayin

Pahalik sa manto ng Our Lady of Peace and Good Voyage bubuhayin

MANILA, Philippines- Ibabalik na ang tradisyunal na pahalik sa manto ng Nuestra Senora de la Paz y Buen Viaje sa dambana ng Our Lady of Peace and Good Voyage matapos ang limang taon.

Sa anunsyo ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na kasalukuyang Parish Priest ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, ibabalik ang pahalik makaraang ipagbawal sa publiko sa nakalipas na limang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Batid ni Bishop Santos na malaking bahagi ng pananampalatayang Katoliko ang nakagawiang gawain ng mga deboto sa pagdalaw sa Mahal na Birhen ng Antipolo sapagkat ang manto ang sumasagisag ng maka-inang pagkalinga at pamamagitan ng Mahal na Ina tungo kay Hesus.

Pinasalamatan ng obispo ang mga deboto sa pang-unawa nang suspendihin ang pahalik para sa kaligtasang pangkalusugan at pag-iingat laban sa lumaganap na COVID-19 noong 2020.

Muling isasagawa ang pahalik sa manto ng Mahal na Birhen ng Antipolo sa Agosto 15, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit kay Maria.

Matutunghayan din ng mga deboto katabi ng imahe ng Mahal na Birhen ng Antipolo ang Golden Rose o Rosa d’ Oro na ipinagkaloob ni Pope Francis sa international shrine noong Pebrero bilang pinakamataas na pagkilala ng Santo Papa sa isang Marian image. Jocelyn Tabangcura-Domenden