Home METRO 2 drug suspects tiklo sa P976K shabu

2 drug suspects tiklo sa P976K shabu

MANILA, Philippines- Bagsak sa selda ang dalawang drug suspects na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng aabot sa halos P1 milyong halaga ng droga makaraang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong mga suspek na sina alyas Trudis, 25, at alyas Joan, 37, dating police officer (AWOL), kapwa residente ng Brgy. Malinta ng lungsod.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Major Rivera na ikinasa ng kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora, katuwang ang Valenzuela Police Sub-Station (SS-4) ang buy-bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga ito.

Nang tanggapin umano ni ‘Joan’ ang isang P1,000 bill na may kasamang isang P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si ‘Trudis’ dakong alas-4:20 ng hapon sa loob mismo ng kanilang tinutuluyang bahay sa Matiyaga St, Sitio Pinalagad, Brgy. Malinta.

Nakumpiska nila sa mga suspek ang humigit-kumulang 143.6 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P976,480.00, buy-bust money at drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 sa ilalim ng Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). Rene Manahan