SA atin ang bansang tuwang-tuwa sa Pasko at sa lahat ng tradisyong kaakibat nito. Gayunman, kadalasan, nasosobrahan ang ating pagsasaya dahil sa labis na paglalasing, sobra-sobrang pagkain, at sari-saring aksidente.
Kaya simula ngayon hanggang sa mag-Bagong Taon, ilalahad ko ang estadistika: hanggang nitong bisperas ng Pasko, 25 firecracker-related injuries na ang naitala. Dalawampu’t tatlo sa mga nasugatan ay lalaki, at karamihan ay 19 anyos pababa — hindi pa man nakakalimot sa mga unang alaala nila ng Pasko.
Hindi lamang basta simpleng bilang ang mga ito; kaakibat nito ang mga peklat, trauma, at naunsyaming pagsasaya. Sa paglalahad ng bilang na ito, umaasa akong maisasama natin sa ating mga Christmas wish ang selebrasyong hindi katatampukan ng apurahang biyahe papuntang emergency room.
Para sa matitigas ang ulo na pinagsasama ang kalasingan at pagpapaputok, hindi na ‘yan kasiyahan kundi katangahan. Sana naman ay pakinggan natin ang apela ng Department of Health na huwag nang gumamit ng paputok, iwasan na kahit ang watusi, at isumbong ang mga iligal na nagbebenta ng mga ito.
Pasko para sa evacuees
Nabanggit na rin lang ang Christmas wish, may isang espesyal na kahilingan na karapat-dapat mapakinggan sa gitna ng mga kasiyahan. Mahigit 14,000 lumikas mula sa pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon ang nagdiwang ng Pasko sa evacuation centers, habang libo-libong iba pa ang nakikituloy ngayon sa mga kamag-anak, malayo sa kanilang mga tahanan at kabuhayan. Nababalot sa abo ang mga taniman, hindi na mapakikinabangan ang mga dapat sana’y aanihin, at walang kasiguraduhan sa ngayon ang kanilang mga buhay.
Sa pinakamayayaman sa bansa — sa mga Pilipinong nasa Forbes list at sa mga tahimik na namumuhay sa karangyaan — ito na ang pagkakataon ninyo. Hindi lamang basta magpaabot ng tulong, kundi magbigay din ng pag-asa. Higit pa sa simpatiya ang kailangan ng mga pamilyang ito; kailangan nila ng pondo upang makabangon mula sa trahedya. Ngayong lampas na sa ₱33 milyon ang lugi sa agrikultura, makatutulong ang inyong kabutihang loob upang makabalikwas sa buhay ang mga nagdurusa sa ngayon.
Maipaalala sana sa atin ng panahon ng pagdiriwang na ito na ang tunay na kayamanan ay nakasalalay sa pagtulong sa kapwa. Maglalaho rin ang makapal na abo, pero ang magiging pagtugon natin sa ngayon ang magbibigay kahulugan at kabuluhan sa atin bilang isang bansa. Malayo ang mararating ng munting tulong — at ngayong Pasko, magiging napakalaking bagay nito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).