Home OPINION MGA DISGRASYA DAPAT IWASAN

MGA DISGRASYA DAPAT IWASAN

NAPAKALUNGKOT ang mamatayan sa mga araw ng Pasko.

Lalo na kung nasa gitna ka ng kasiyahan o ginagawa mong makabuluhan ang Pasko.

Kaya naman, kung kayang mapigilan ang kamatayan, mas magandang umaksyon para rito.

Tingnan natin ang mga nagaganap sa kalsada.

NAPUGUTAN

Sa Gingoog City, Misamis Oriental, napugutan ang isang Indian national na angkas sa isang motorsiklo dahil lang sa alambre o kable na naputol nang masabit dito ang isang truck.

Pagbagsak ng alambre o kable sa kalsada, tumama ito sa leeg ng biktima.

Pagbagsak niya, magkahiwalay na ang kanyang ulo at katawan.

Karaniwang naghahanapbuhay lang ang nakamotor na Bumbay at ganap na naudlot ang paghahanapbuhay nito sa Kapaskuhan dahil sa disgrasya.

SINO-SINO ANG MAY PANANAGUTAN?

Karaniwang ang tsuper ng truck o may-ari ng truck ang pinananagot sa ganitong sitwasyon.

Sila kasi ang kagyat na sangkot sa disgrasya.

Pero paano ang mga nagkakabit ng mga kable o alambre na wala sa lugar, kasama ang tama na taas laban sa matataas na sasakyan?

Kahit sa Metro Manila, napakaraming ganito na tanawin.

Mga kumpol-kumpol o nagkakabuhol-buhol na spaghetti ng kawad o kable ng kuryente, telepono, CCTV, Cable TV at marami pang iba.

Paano ba habulin o panagutin ang mga may-ari ng mga kable at alambreng ito at magsilbing leksyon sa iba at mapigilan ang mga nakapupugot na problema?

IBA PANG MGA NAMATAY

Noong una, kritikal lang ang kalagayan ng isang senior citizen na kabilang sa 29 na sakay ng minibus sa Noth Luzon Expressway sa parteng San Fernando City, Pampanga.

Pero kahapon, idineklara nang patay ang hindi pinangalanang biktima.

Naganap ang pangyayari sa bisperas ng Pasko at siyempre, marami ang nagbibiyahe .

Akalain mo bang habang tumatakbo ang minibus, basta na lang nawalan ng direksyon ito, umikot nang buo saka humiga na ikinasugat ng halos lahat ng pasahero nito.

Nahagip ng umikot na minibus ang isang Asian Utility Vehicle na nasa likuran nito na ikinasugat din ng dalawang pasahero nito.

Ang ending, mga kaso isasampa sa pagkakasugat at ikinamatay ng mga biktima at pagkasira ng mga sasakyan.

Mayroon na kayang imbestigasyong malaliman sa pag-ikot ng minibus.

Balitang tumakas ang tsuper ng minibus pero dapat makita ito at maimbestigahan o magpaliwanag.

At ang minibus, bumibiyahe bang road worthy kung tatawagin lalo’t isa itong pampasahero na dapat istriktong nasa kondisyon itong gamitin?

BIYAHE HINDI PA TAPOS

Bago ang mga disgrasyang nabanggit, may mga namatay na rin sa iba pang mga disgrasya at pinakamatindi ang pagkamatay ng walo katao sa nawalan ng preno na truck sa Brgy. Malasila, Makilala, Cotabato nitong nakaraang Disyembre 6, 2024.

Ngayon naman, hindi pa tapos ang pagbiyahe ng maraming tao dahil sa Pasko.

Darating pa ang Bagong Taon at Araw ng Tatlong Hari.

Maraming sasakyan ang tumatakbo sa mga kalsada, pampasahero at pribado.

Sana naman, maiwasan na ang mga disgrasya.

Ang mga kalsada, dapat walang mga delikadong obstruction sa mga sasakyan; ang mga tsuper, dapat na nasa tamang kondisyon sa pagmamaneho, at ang mga sasakyan, dapat road worthy.