MANILA, Philippines – PINALAGAN ng Malakanyang ang pinalutang ni Senador Jinggoy Estrada na ilang beses siyang inalok na lumipat sa minority block kapalit ng pagbabasura sa kaniyang mga kaso gaya ng kasong graft o katiwalian, na isinampa laban sa kaniya dahil sa pagkakasangkot di umano sa anomalya sa flood control projects.
Nahaharap din kasi si Estrada sa hiwalay na kasong plunder o pandarambong na hawak naman ng Fifth Division ng korte. Walang nakalaang piyansa sa naturang kaso.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa kanyang pagkakaalam ay noong nakaraang taon pa nagkaroon ng imbestigasyon sa mga kasong kinasasangkutan ni Estrada kung saan ang pangalan ng senador ay nababanggit, hindi lamang sa pag-imbestiga sa Senado kundi maging sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Bukod dito ay pinatawag din aniya si Estrada sa Commission for Infrastructure (ICI) at ang pangalan din aniya ni Estrada ay nabanggit sa partial report ni Senador Panfilo Lacson.
“Kaya hindi po masasabi na ito ay may patungkol sa pag-form ng majority na binubuo ng 13. So, hindi naman po masasabi na ang kaso ay dapat na ma-dismiss lang dahil lang sa pagpunta niya o paglipat niya sa minority,” anito.
“So, it would be unfair to all Filipino people kung ganyan ang magiging dahilan para hindi i-pursue yung kaso kung saan di umano siya ay involved sa flood control mess,” dagdag na wika ni Castro. KRIS JOSE