MANILA, Philippines – Hinamon ni House Asst Majority Leader at Zambales Rep Jay Khonghun si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na magsagawa ng fact-check sa alegasyon nito na tumaas ang crime rate sa bansa mula nang bumaba sa pwesto ang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Mas mataas ang crime rate noong panahon ni dati pong Pangulong Duterte kaysa sa ngayon sa panahon ni Presidente BBM (Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.),” paglilinaw pa ni Khonghun.
Ani Khonghun kung titignan ang datos ng Department of Interior and Local Government ay kabaligtaran ang sinasabi ni Mayor Duterte.
“Hindi naman nagsisinungaling ang data… ayon mismo sa ulat nga DILG, noong July 1, 2016 hanggang Abril 2018, umabot sa 196,000 plus ang naitalang crime index noong mga panahon na ‘yon. At sa ngayon, sa ilalim ni President Bongbong Marcos, bumaba ito sa 71,500 plus,” paglilinaw ni Khonghun.
Aniya, dapat kilalanin ang ginagawang hakbang ng Marcos administration sa pagresolba sa krimen.
“Dapat din natin kilalanin ‘yung tagumpay ng administration ng sa pagbawas ng kriminalidad. Ang pagbaba ng crime rate sa administrasyon ng ating Presidente is patuloy lamang. Meron hong epektibong pagpapatupad ng batas kumpara doon sa madugong taktika ng nakaraang administrasyon,” pagtatapos pa ni Khonghun sa isinagawang pressconference sa Kamara.
Sa statement na ipinalabas ng Philippine National Police sinabi nito na 3,528 focus ang naitala sa pagitan ng January 1 hanggang Feb. 14, 2025, mababa ito ng 26.76 percent mula sa 4,817 cases noong nakaraang taon.
Ang focus crimes ay theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury at carnapping. Gail Mendoza