Home NATIONWIDE ‘Pahiram’ na eroplano na sumundo kay Guo sa Indonesia paglabag sa anti-graft...

‘Pahiram’ na eroplano na sumundo kay Guo sa Indonesia paglabag sa anti-graft law

MANILA, Philippines – Sinabi ng isang abogado na iligal ang paggamit ng pribadong eroplano ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos para sunduin si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Indonesia at posible itong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Si Ferdinand Topacio, na nagsisilbing legal counsel ni Cassandra Li Ong, ay nagsabi na si Abalos mismo ang nagsabi na walang ginastos ang gobyerno para sa paggamit ng aircraft.

“Samakatuwid, ito ay donasyon dahil sa kanyang opisina, at maaaring lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” sabi ni Topacio sa media forum sa Quezon City.

Ang kliyente ni Topacio na si Ong ay ang awtorisadong kinatawan ng ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Porac, Pampanga. Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang ugnayan ng mga POGO sa Porac at Bamban. Si Ong ang kasintahan ni Wesley Guo, kapatid daw ni Alice.

Ikinatwiran ni Topacio na ang isang indibidwal ay hindi maaaring “mag-alok” o “magbigay” ng kanyang personal na ari-arian sa isang pampublikong opisyal, na binanggit ang pagpapalagay ng batas na ito ay ibinigay “sa pamamagitan ng dahilan ng kanyang opisina” at “sa pag-asam ng mga pabor sa hinaharap.”

“We live in very alarming times na parang hindi na po nasusunod ang batas. Can you imagine, ipagmamayabang pa ng secretary of the interior, ‘walang gastos ang eroplanong ‘yan, hiniram ko ‘yan!’ Saang universe na mayroong batas at Saligang Batas na legal ‘yung public official ka, manghihiram ka?” tanong ni Topacio.

Nauna nang sinabi ni Abalos na kailangan ang transportasyon sa pamamagitan ng pribadong eroplano upang matugunan ang 24 na oras na window para mailabas si Guo sa Indonesia.

”May kaibigan akong nagpahiram ng eroplano para lang magawa ito sa mas madaling paraan. Kasi hahabulin natin ‘yung ala unang sinasabi at inuulit ko ni singko wala hong ginastos ang pamahalaan dito,” ani Abalos. RNT