MANILA, Philippines- Ninakaw ang isang 88 taong obra ni Fernando Amorsolo mula sa Hofileña Museum sa Silay City, Negros Occidental.
Umapela ang Silay Heritage, grupo ng cultural advocates, sa publiko para sa anumang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng painting na tinatawag na “Mango Harvesters.”
“Please help in the recovery of this important piece of Philippine art. If you have information please contact 09985987443 / 09989674432 (Silay PNP) or report to the nearest authorities,” saad sa social media post ng grupo noong Hulyo 5.
Isa ang “Mango Harvesters” painting, may sukat na 12 by 18 inches, sa mga unang obra ng national artist noong 1936.
Makikita ito sa Hofileña Museum, bahagi ng koleksyon ng dati nitong owner-curator na si Ramon Hofileña, at kanyang pamilya.
Matatagpuan ang pangunahing atraksyon sa museo sa ikalawang palapag, kung saan tampok ang obra ng mga kilalang pintor tulad nina Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, at Vicente Manansala. RNT/SA