MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang groundbreaking ng Paitan Dam sa ilalim ng Lower Agno River Irrigation System (LARIS) sa Santa Maria, Pangasinan.
Layunin ng proyekto na pataasin ang ani at tulungan ang mga magsasaka laban sa epekto ng tagtuyot.
“Ngayon, nandito tayo para simulan ang solusyon. Meron po tayong ginagawa at meron po tayong magagawa. Imbes na bumaha tuwing tag-ulan, ang gagawin natin ay iipunin natin ang tubig para mapakinabangan sa panahon ng tagtuyot. At iyan po ang gagawin ng Paitan Dam,” anang Pangulo.
“Walang patid na irigasyon para sa ating mga magsasaka. Mas malaking kita, mas malaking ginhawa para sa ating mga magsasaka. Hinihiling ko sana na matapos na ito sa 2027 o mas maaga pa kung maaari para naman maramdaman kaagad ng mga kababayan natin ang benepisyo ng LARIS Paitan Dam,” dagdag pa niya.
Sakop nito ang mahigit 12,000 ektaryang sakahan at makikinabang ang halos 12,000 magsasaka sa Pangasinan, Tarlac, at Nueva Ecija.
Target itong matapos sa 2027 o mas maaga. Namahagi rin ang Pangulo ng makinarya, farm inputs, at solar-powered irrigation pumps sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo bilang bahagi ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support. RNT