Home NATIONWIDE ‘Pakikipagtulungan’ ng Marcos admin sa ICC matapos ‘umasim’ na relasyon ng mga...

‘Pakikipagtulungan’ ng Marcos admin sa ICC matapos ‘umasim’ na relasyon ng mga Marcos sa Duterte, personal na opinyon ni Imee – Palasyo

MANILA, Philippines- Personal na pananaw at opinyon na lamang ni Senator Imee Marcos ang sinabi nito na nagbago ang ihip ng hangin sa administrasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang “non-cooperation” ay naging “cooperation” sa International Criminal Court (ICC) nang “umasim” na ang relasyon ng mga Duterte sa mga Marcos.

“Basta po sa atin po noong ginawa po ito ng pamahalaan, ng administrasyon, wala pong ibang sinunod kung hindi kung ano iyong nasa batas at kung ano po iyong obligasyon natin sa Interpol. Kung mayroon po siyang ibang pananaw, siguro personal niya pong pananaw iyan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Kung mayroon siyang ibang naiimbestigahan, sabi nga po natin maging patas ang kaniyang pag-iimbestiga. Imbestigahan din po niya, gawin niya rin pong resource person hangga’t maaari iyong naniniwala sa ginawa ng administrasyon na i-surrender ang dating Pangulong Duterte sa ICC,” dagdag niya.

Kaya nga, iginiit ng Malakanyang na walang personalan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte sa naging pag-aresto sa dating Pangulo.

“Wala po tayong pinipersonal dito. Kung ano lang po ang sinasabi ulit ng batas at kung ano iyong nagiging obligasyon natin at magiging commitment natin sa Interpol, iyon lamang po ang ating gagawin. Wala pong personalan dito,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, natawa naman si Castro nang tanungin kung kawalan ba si Imee Marcos sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas at tumayong independent candidate sa nalalapit na eleksyon.

Kumalas si Imee Marcos sa Alyansa dahil sa hindi pagkakasundo sa ilang hakbang at pananaw ng gobyerno.

“Wala po akong masabi. Sa parte po ng Alyansa, ibibigay po natin kung anuman ang pananaw po ni ating campaign manager na si Congressman Toby Tiangco,” aniya pa rin.

Samantala, naniniwala naman si Castro na nagkalamat na ang relasyon ng magkapatid na Pangulong Marcos at Senador Imee sa mga pahayag ng senadora.

“As we can see from the statements of Senator Imee Marcos, it seems like there is. But on the part of the President, we cannot say that there’s a rift between the relationship … in the relationship of the two siblings. So, hintayin na lang po natin kung mayroon mang sasabihin ang Pangulo,” wika ng opisyal.

“Sa ugali kasi ng Pangulo, hindi po siya masyadong …alam ninyo po iyon, hindi siya pikon. Kaya kahit anong banat, kahit nakita na ninyo po si Senator Imee Marcos na nandudoon sa Maisug rally habang binabanggit ng dating Pangulong Duterte ang paninira sa kaniya, kay PBBM, wala po tayong nadinig. Wala rin po tayong nadinig na anumang hinanakit, kung mayroon man ha, mula sa Pangulo para sa kaniyang kapatid,” dagdag niya. Kris Jose