Home OPINION PALAGIANG ACCOUNTING SA NCRPO COPS – RD NARTATEZ

PALAGIANG ACCOUNTING SA NCRPO COPS – RD NARTATEZ

UPANG regular na mabilang ang kanyang mga tauhan, ipinag-utos ni National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang patuloy na pagsasagawa ng “red team inspection” sa iba’t ibang bahagi ng kanyang nasasakupan lalo na sa police stations.

Aba, mukhang ayaw na ni Nartatez na masalisihan siya ng mga pulis na tinatawag na “lubog” o kaya naman ay kabilang sa “15-30” scheme na tumatanggap ng kanilang sahod mula sa pamahalaan samantalang hindi naman ang mga ito nagtatrabaho.

Batid na kasi ni Gen Tateng, palayaw ni Nartatez, ang modus ng maraming pulis lalo na mga hepe na nagbubulag-bulagan sa ginagawang iligal ng kanyang mga tauhan kasi naman may kapalit na halaga ito na minsan nga ay kalahati ng sweldo ng pulis.

Eh magiging mayaman ang hepe kung may hawak siyang 30 o higit pang katao tapos lima sa mga ito ay nag-uulat sa kanya ng kalahati ng sahod nito sa pamahalaan basta huwag lang siya hanapin sa oras at araw ng kanyang pasok sa trabaho.

O, ‘di ba malaking pera iyong pumapasok sa bulsa ng hepe at kailangang gawin niya iyon nang hindi alam ng kanyang asawa dahil ang kanyang automated teller machine card ay nasa mabuting kamay ni Misis. Kaya nga tama rin naman na ATM kasi automatic to misis.

Pero ang totoo, kaya ipinag-utos ni Nartatez ang regular na accounting ng kanyang mga tauhan ay upang masiguro na nagtatrabaho ang mga ito nang maayos upang mabigyang seguridad ang lahat, tama ang tinatahak na landas at siguradong makapagbibigay ng kaligtasan sa publiko.

Kasi nga, marami nga sa mga pulis ay hindi naman nagrereport sa tamang oras sa kanilang trabaho dahil batid nilag protektado sila ng kanilang hepe na ayaw din namang mabuking ng mas mataas kung kaya’t sanay na dayain ang inspeksyon.

Pero ngayon, hindi na ‘yan uubra kay Nartatez dahil siya mismo ay nagsasagawa ng surprise inspection upang nakasiguro na hindi siya niloloko ng kanyang mga tauhan.

Sir RD Nartatez, pakisurprise mo nga ang Manila Police District lalo na sa headquarters dahil balita ko na may mataas na opisyal dyan na binubulag si District Director PBGen Thomas Ibay kaugnay sa mga tauhan niyang lubog.