Home OPINION SOLAIRE RESORT NORTH QUEZON CITY, NAGBUKAS NA!

SOLAIRE RESORT NORTH QUEZON CITY, NAGBUKAS NA!

BATAY sa nakalap ng inyong lingkod na datos mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), umabot sa Php214 billion ang naging gross gaming revenue (GGR) noong taong 2022 at Php 285 billion sa taong 2023. Pinaka­­ma­laking kita ay nagmula sa operasyon ng mga Casino na nasa ­Php 168.22 billion o 90% ng GGR.

Nakikinabang ang publiko mula sa kita ng PAGCOR sa pa­mamagitang ng buwis na ibinabayad ng mga Casino at kanilang corporate social responsibility (CSR). Kung wala ka naman ta­lagang pera ay hindi ka nararapat maglibang sa Casino.

Personal na dumalo ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa ginanap na 1st International Conference on Responsible Ga­ming and Gaming Addiction sa Novotel Manila Araneta City nitong May 20 hanggang May 22, 2024 na dinaluhan ni Mayor Joy Belmonte.

Nagbukas ang Solaire Quezon City na nasa Vertis North, Bagong Pag-asa noong May 25, 2024. Medyo natagalan ang pagbubukas ng nasabing casino resort dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Mayor Belmonte na ito lamang ang tanging casino na papayagan niyang magkaroon ng operasyon sa Quezon City dahil labis siyang nag-aalala na baka magdulot ng pinansiyal na problema sa mga residente ng lungsod kung sila ay magugumon sa paglalaro sa Casino.

Naglatag na rin siya ng safety nets kabilang ang pagbaba­wal sa mga opisyal at empleyado ng lungsod na pumasok lalo na ang maglaro sa nasabing casino. Masyadong high-tech ang sur­veillance camera ng Solaire, kaya nitong magkaroon ng facial recognition kahit pa naka-face mask o bull cap. Tiyak na may pag-uusap ang Quezon City LGU at ang pamunuan ng casino ukol dito.

Dagdag pa ni Mayor Belmonte, bawal ang 21 years old and below, at para sa mga residente ng lungsod, kinakailangan munang magpakita ng patunay na mayroon itong sapat na pera para makapaglaro. Isang pamamaraan diumano ito para mabawasan na lumapit sa “loan sharks” na nasa casino ang isang manlalaro hanggang sa mabenta na niya ang mga personal niyang gamit, kotse at maging condominium unit para lamang makabawi.

Mahirap talaga ang malulong sa sugal, marami ang puwedeng mangyari, magkakasira ang pamilya, mawawala ang lahat ng pinaghirapan, mababaon sa utang, o pinakamalala ay pa­mamaalam sa mundong ito. Marami tayong nababalitaang kaso na may kinalaman sa casino.

Nanariwa tuloy ang insidenteng naganap sa isang casino resort malapit sa Ninoy Aquino International Airport noong 2017 kung saan 38 ang namatay at 70 ang nasugatan sa panununog ng isang hinihinalang natulong sa sugal na nagpatiwakal din naman.

Ang ganitong insidente ang tiyak na iniiwasan ni Mayor Belmonte na mangyari sa Quezon City. Maaari ngang malaki ang buwis na ipinapasok ng operasyon ng casino pero hindi nito kayang tumbasan ang buhay at pagkasira ng mga pamilya dahil lamang sa bisyong ito.

Tama si Mayora na ito ay isang moral na obligasyon ng mga naglilingkod sa bayan.