Home NATIONWIDE Palasyo ipinatupad ang SEAGIFT sa Tawi-Tawi

Palasyo ipinatupad ang SEAGIFT sa Tawi-Tawi

169
0

TAWI-TAWI — Naghatid ang Malacañang ng panibagong sigla sa ekonomiya ng bansa matapos pormal na ipatupad ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang Seaweed Economic Assistance and Government Initiative for Tawi-Tawi (SEAGIFT), isang programang layong gawing haligi ng kapayapaan at kaunlaran sa kanayunan ang lokal na industriya ng seaweed.

Pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr., dala ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ceremonial turnover na ginanap noong Miyerkules, Pebrero 4, sa Bongao Port, Barangay Poblacion.

Binigyang-diin niya na ang inisyatiba ay sumasalamin sa pangako ng administrasyon na maghatid ng makabuluhang kaunlaran sa mga geographically isolated at conflict-affected na komunidad.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga seaweed farmer, lokal na opisyal, at mga katuwang mula sa sektor ng seguridad at kaunlaran, sinabi ni Lagdameo na hindi lamang bilang kabuhayan tinitingnan ng Palasyo ang sektor ng seaweed, kung hindi bilang isang estratehikong plataporma para sa katatagan sa rehiyon ng Bangsamoro.

“Seaweed farming has sustained households, supported local economies, and provided a dignified source of income across our island communities. Strengthening this industry is not simply an economic intervention – it is a peace-and-development strategy,” ani Lagdameo.

Dagdag pa niya, mahalaga ang matatag na kabuhayan sa pagpapatibay ng mga pamilya, mas maayos na access sa edukasyon at kalusugan, at mas matibay na kakayahan ng mga komunidad na humarap sa mga hamon ng buhay. Ito aniya ang mga pundasyong nais palakasin ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng naka-target na suporta.

“We envision a Tawi-Tawi where the seaweed industry goes beyond raw production and becomes a driver of value-adding, enterprise development, and job creation – especially for women and the youth,” sabi ng opisyal ng Pangulo.

Tiniyak ni Lagdameo sa mga benepisyaryo na nananatiling nakatuon ang administrasyong Marcos sa pagpapanatili ng mga natamong tagumpay sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagtiyak na umaabot sa grassroots ang mga oportunidad sa ekonomiya.

“Progress is lasting when it is built with unity of purpose and shared responsibility. This assistance is a recognition of your hard work and perseverance,” pahayag niya sa mga magsasaka at mangingisda.

Ang SEAGIFT ay isang convergence program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tawi-Tawi kung saan ang OSAP ang nagsisilbing tagapag-ugnay ng pambansang suporta at mga lokal na prayoridad.

Tinutugunan ng inisyatiba ang mga matagal ng suliranin sa sektor kabilang ang limitadong access sa kalidad na planting materials, kakulangan sa post-harvest facilities, kakulangan sa financing, gaps sa kasanayan, at mahihinang ugnayan sa merkado.

Isasagawa ang implementasyon sa dalawang yugto: ang Phase I (2024–2026) ay nakatuon sa production enhancement at capacity building na may P44 milyong pondo sa ilalim ng Enhanced Philippine Seaweed Development Program ng BFAR.

Ang Phase II (2027–2029) naman ay tutuon sa industrial advancement, processing, at market integration na pangungunahan ng OPAPRU sa koordinasyon ng OSAP at iba pang katuwang na ahensya.

Binigyang-diin ni Lagdameo na ang programa ay malinaw na pagsunod sa direktiba ng Pangulo na ang presensya ng pamahalaan ay dapat maramdaman sa pamamagitan ng kongkretong resulta.

“Development becomes real when it reaches the shoreline communities that feed the nation,” aniya at idinagdag na patuloy na iuugnay ng Palasyo ang mga pambansang yaman sa mga mithiin ng mga island province ng Mindanao.

Nagtapos ang aktibidad sa pormal na pamamahagi ng production inputs at livelihood support sa mga organisadong seaweed growers, isang hakbang na inilarawan ng mga lokal na lider bilang mahalagang yugto tungo sa paghubog sa Tawi-Tawi bilang seaweed capital ng bansa at huwaran ng peace-driven economic growth. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here