Pinag-usapan na ng mga senador kung pagbobotohan na ang mosyon ng
Minority Bloc na i-convene ang Senado bilang impeachment court kaugnay
ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. CESAR
MORALES
MANILA, Philippines – NANAWAGAN ang Malakanyang sa Senado na ikonsidera ang potensiyal na epekto ng pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na talagang naka-aalarma na ang business sector ay nagpalabas ng babala na ang kabiguan na itaguyod ang panuntunan ng batas ay maaaring makaapekto sa investor confidence sa mahabang panahon.
“Mismong nasa business sector na po ang naaalarma sa nangyayari sa Senado patungkol po sa impeachment trial. At hindi po talaga nanaisin na makapag-invest, maaalerto po talaga ang mga investor natin kung may issue po at inaakusahan ang siyang lider ng korapsyon at mukhang nagkakampihan pa ng ibang senator-judges,” ang sinabi ni Castro.
“So, nakakaalarma po ito dahil gumaganda po ang ekonomiya ng bansa. Taliwas po ito sa sinabi ng Bise Presidente na bagsak ang ekonomiya,” aniya pa rin.
Sinabi pa rin ni Castro na masasayang lamang ang pagsisikap ng pamahalaan na pagyamanin ang ekonomiya ng bansa kung magpapatuloy ang kawalan ng aksyon sa impeachment complaint ni VP Sara.
Aniya pa, ang Senado bilang impeachment court, ay dapat ding pag-ukulan ng pansin ang alalahanin ng mga nvestors.
“Nakakapanghinayang po kung ang ekonomiya natin ay maaapektuhan ng dahil lamang po sa nangyayari sa Senado. So, ang panawagan lang din po natin sa Senado patungkol po sa impeachment trial, hindi naman po para pabilisin or manghimasok tayo sa ginagawang impeachment trial kundi sundin lamang po ang Constitution at ang rule of law,” ang pahayag ni Castro.
Pinanindigan naman ni Castro na hindi makikialam ang ehekutibong sangay ng pamahalaan sa impeachment process.
Nauna rito, hinikayat ng Makati Business Club ang Senado na tupdin ang kanilang constitutional duty sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng impeachment trial. Kris Jose