MANILA, Philippines – NAKIUSAP ang Malakanyang sa mga Filipino na nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa tamang proseso at huwag magpabiktima sa mga ilegal recruiter.
Ito’y matapos na pauwiin ang 178 na Pilipinong nabiktima ng human trafficking.
Makabubuti ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na iwasan na makipag-transact nang hindi alam ng gobyerno.
Kaya nga aniya may POEA ay para mabigyan ng seguridad ang mga ito sa kanilang pupuntahan at para ligtas ang mga ito.
“So, maliban po sa gagawin po ng gobyerno, makipagtulungan po sana ang ating mga kababayan. Mahirap naman po kadalasan kapag mahigpit naman po ang ating officers sa Bureau of Immigration, nao-offload minsan, hindi rin po maganda. So, kayo na rin po, makipagtulungan na rin po kayo sa gobyerno para po maiwasan natin iyong mga ganitong klaseng sitwasyon,” aniya pa rin.
Tiniyak din ng POEA ang seguridad ng mga biktima at agarang tulong para sa kanila.
Nauna rito, pinangunahan ng Department of Foreign Affairs ang pagpapauwi sa 178 na Pilipinong nabiktima ng human trafficking sa Myanmar kasama ang Department of Migrant Workers at iba pang ahensiya at embahada ng Pilipinas.
Samantala, ang paalala ng DFA, iwasan ang iligal na pag-alis ng bansa at dumaan lamang sa tamang deployment ng Department of Migrant workers. Kris Jose