MANILA, Philippines- Nagbabala ang Malakanyang laban sa pag-abuso sa EDSA Busway kasunod ng kontrobersyal na isyu na ikinabit kay Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil hinggil sa paggamit ng EDSA busway dahil sa katwiran ng emergency meeting.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi nila kukunsintihin ang mapang-abusong pag-uugali ng gagamit ng EDSA Busway.
Pinaalalahanan din nito ang mga opisyal na gamitin ang busway sa mga pagkakataon ng mga beripikadong emergencies.
Nilinaw naman ni Castro na hindi kasama sa sinasabing emergency ang “emergency meetings.”
“Hindi po kasama doon iyong emergency meeting. Kung may emergency meeting, mas maganda po umalis sila nang maaga sa kanilang bahay,” ang pahayag ni Castro.
Sa ulat, kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil na nagkaroon ng emergency closed-door meeting ang senior police officials sa Camp Crame noong Martes ng gabi, dahilan kung bakit ginamit ng kanilang convoy ang EDSA busway.
Sa isang panayam, sinabi ni Marbil na si Interior Secretary Jonvic Remulla ang mag-aanunsyo ng detalye ng operasyon ng pulisya noong gabing iyon.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng presensya ng mga matataas na opisyal ng pulisya sa nasabing pulong.
Ang EDSA busway ay isang dedicated lane para sa mga awtorisadong bus at emergency vehicles at limitado lamang sa mga pangunahing opisyal ng gobyerno tulad ng Pangulo, Bise Presidente, at mga pinuno ng lehislatura at hudikatura.
Inulit naman ni Castro na hindi kukunsinihin ang pang-aabuso at mayroon aniyang kaparusahan para sa mga lalabag dito lalo na ang public servants.
“Kung may pang-aabuso, dapat managot,” ayon kay Castro. Kris Jose