MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang, tila isang manunulat ng isang madramang nobela ang defense lawyer ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman dahil sa mga sinabi nito sa International Criminal Court Pre-Trial Chamber na malinaw naman na naglalayong kunin ang simpatiya at emosyon ng mga Filipino.
Mas makabubuti ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam na magpokus lamang si Kaufman sa tunay na usapin, ito’y ang di umano’y extrajudicial killings na nagawa sa panahon ng panunungkulan ng kanyang kliyente.
”Sa ganitong klaseng drama, para siyang nobela eh. ‘Yung nagsasalita kahapon para siyang writer ng isang nobela na para to appeal… This is definitely an appeal to the emotions of the Filipino people,” ang sinabi ni Castro.
”Ang dating Pangulo umano ay kinidnap, matanda na, frail, pinagkaisahan, when in fact ang isyu dito, common plan ng pagpapapatay. ‘Yun ang may usapan, ‘yun ang may sabwatan umano. Doon siya tumutok,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, pinalagan ng Malakanyang ang akusasyon ni Kaufman na pasimuno di umano si Pangulong Marcos ng isang scheme upang magpadala ng mga testigo sa International Criminal Court (ICC).
Sa opening statement kasi ni Kaufman sa confirmation of charges hearing, araw ng Lunes, ibinunyag nito ang isang transcript ng tawag sa telepono.
Dito, isang hindi pinangalanang indibidwal umano ang kumokontrol sa mga testigo.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang madugong anti-narcotics campaign.
Ayon sa tala ng pamahalaan, nasa 6,200 ang nasawi sa operasyon, ngunit aabot sa 30,000 ang pagtataya ng mga human rights organizations. Kris Jose