MANILA, Philippines – HINDI NAPAPANAHON ang plano ng transport group na Manibela na nationwide transport strike sa Abril 15 hanggang 17, 2026.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mas makabubuti na magkaroon ng dayalogo habang ikinakasa ng gobyerno ang ilang hakbang para pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Nauna rito, nagpahayag ang transport group na Manibela na maglulunsad ito ng tatlong araw na transport strike simula Abril 15.
Umiinit ang isyu dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo na umabot sa historikong mataas sa Pilipinas matapos ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran noong Pebrero 28, at ang pagharang sa mahalagang Strait of Hormuz sa trapiko ng langis ng Tehran.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, malaki ang nababawas sa kita ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan araw-araw.
“Sa atin po ngayon… ang pagho-hold ng transport strike ay hindi napapanahon sa ngayon. Hindi po ito makakatulong,” ang pahayag ni Castro.
Binigyang diin ni Castro na sinimulan na ng gobyerno ang suporta para sa transport sector, kabilang na ang fuel subsidies, cash assistance at service contracting program.
“Ang Pangulo naman po ay dumidinig sa mga hinaing ng bawat Pilipino lalung-lalo na po sa transport sector,” aniya pa rin. KRIS JOSE