Home NATIONWIDE Palasyo: Walang magsasakang mapapaalis sa Pax Silica

Palasyo: Walang magsasakang mapapaalis sa Pax Silica

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Malacañang na walang magsasakang mapapaalis dahil sa planong Pax Silica hub sa Capas, Tarlac, taliwas sa pangambang inilabas ni Sen. Imee Marcos.

Nauna nang sinabi ni Marcos na maaaring malagay sa panganib ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa proyekto.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang 3,500 ektaryang pagtatayuan ng hub ay itinakda na bilang “buildable” zones sa New Clark City noong 2019, kasabay ng paghahanda para sa Southeast Asian Games.

“So, sa lugar na ito ay dapat wala nang farmers dahil ito po nga ay na-approve na bilang buildable zones,” ani Castro.

Gayunman, ilang residente ng Barangay Aranguren sa Capas ang tumutol na sa relokasyon bago pa ang SEA Games. Ayon sa kanila, nagsasaka na ang kanilang mga pamilya sa lugar na pinagtayuan ng New Clark City mula pa noong dekada 1930.

Sinabi rin ni Castro na 6,000 ektarya ang inilaan para sa open green spaces, forest reserves, at mga itinalagang lugar para sa upland farming. Mas maliit din umano ang buildable zones kumpara sa lawak ng lupaing nakalaan bilang forest reserves.

“So, hindi po makakaapekto ito sa ating mga farmers,” aniya.

Umani ng batikos mula sa iba’t ibang sektor ang Pax Silica project dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan at panganib ng displacement sa mga Indigenous community. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here