MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Francis Escudero na mas malaki ang tsansang maipasa ang Divorce Bill kung aalisin ang salitang “divorce” sa titulo.
“Masyado yatang nakatuon ang ilang mambabatas sa salitang divorce. Dapat mas pagtuunan ng pansin ang pagiging abot-kaya, madali at malinaw ang grounds,” ani Escudero.
Ipinagtanggol din niya ang bilis ng Senado sa pagpasa ng batas kumpara sa Kamara, na aniya’y mas nakatuon sa kalidad kaysa dami.
“Sa Kamara, parang automatic ang pagpasa. Pero dito, dumadaan sa masusing pagsusuri,” paliwanag niya, idinagdag na mas kakaunti ang miyembro ng Senado (24) kaysa sa mahigit 300 sa Kamara.
Binanggit din ni Escudero na karamihan sa mga prayoridad ng administrasyon sa ilalim ng LEDAC ay naaprubahan na, habang ang natitirang panukala ay nangangailangan ng masusing pagrepaso.
Inaasahan niyang magsusumite ang mga senador ng kanilang top five bills para maisama sa LEDAC agenda. Magbubukas ang ika-20 Kongreso sa susunod na linggo sa gitna ng tensyon ng mga Marcos at Duterte, ngunit umaasa si Escudero na hindi ito makakaapekto sa produktibidad. RNT