Home HOME BANNER STORY Palit-ulo kay Guo hirit ng Indonesia

Palit-ulo kay Guo hirit ng Indonesia

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Justice ang kahilingan ng Indonesian government na makipagpalit ng preso sa kaso ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nahuli sa Tangerang City sa naturang bansa.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isa ito sa kumplikadong sitwasyon na kinakaharap ng Pilipinas hinggil sa pagpapa-deport kay Guo.

Nais ng Jakarta police na makuha ang Australian drug suspect na si Gregor Haas kapalit ng pagpapatapon sa Pilipinas kay Guo.

Si Haas ay naaresto sa Bogo, Cebu noong May 15 ng Bureau of Immigration bunsod ng inisyu na Red Notice ng Interpol.

Nahaharap si Haas ng mga kasong pagpupuslit ng iligal na droga na may katapat na parusang kamatayan sa Indonesia.

Samantala, magpapadala na ang DOJ ng senior team sa Indonesia para sa pagpapabalik Pilipinas ni Guo.

Lilipad patungong Indonesia ang ilang senior na imbestigador ng NBI para makipag-ugnayan sa pagpapabalik Pilipinas kay Alice Guo.

Ayon kay Remulla, iba kasi ang sitwasyon ngayon kung saan mga pulis ang may hawak sa dismissed na alkalde taliwas noon kina Shiela Guo at Cassandra Li Ong na Indonesian Immigration ang nakakuha.

Bukod sa NBI, ikinokonsidera ng DOJ ang pagpapadala ng mga prosecutor sa Indonesia.

Inaayos aniya nila ang lahat kayat hindi masabi kung kailan maibabalik ng bansa si Alice Guo.

Samantala, kinumpirma naman ni DOJ Usec Nicolas Ty na nasa Hong Kong na si Wesley Guo. Teresa Tavares