
MASAYANG ibinalita ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. sa mga miyembro ng Committee on Finance ng Senate of the Philippines kamakailan na nagbubunga na ang digitalization program ng ahensya matapos na umabot na sa 90 percent ang nagsasagawa ng tax filings at pagbabayad.
Episyente at epektibo aniya ang electronic filing and payment system ng BIR ayon sa komisyoner.
Sa nagdaang Income Tax Return (ITR) filing, nasa 91 percent o 11.17 million filings ang isinagawa sa pamamagitan ng online mula sa kabuuang 12.26 million filings. Nasa mahigit isang milyon na lamang ang nagsagawa ng manual filings.
Kumpara sa ibang ITR filing ngayong taon ay maikli na lamang ang pila sa district offices, kapwa para sa personal at business taxes.
Humarap sa Senado ang Department of Finance (DOF) kung saan nabibilang ang BIR para sa deliberasyon ng kanilang hinihinging Php 33.75 billion na budget para sa taong 2025, mas mataas ito ng 20.8 percent kumpara sa Php 27.94 billion na aprubado ngayong 2024.
Ang BIR ang siyang may pinakamalaking alokasyon sa DOF budget na nasa Php 17.68 billion na mas malaki ng 12.4 percent kumpara sa Php 15.74 billion ngayong 2024. Katumbas ito ng 54.4 percent ng kabuuang DOF budget.
Nasa Php 8.92 billion ang laan sa personnel services kabilang ang suweldo at benepisyo ng 15,666 na permanenteng mga empleyado nito.
Para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ay nasa Php 6.06 billion na saklaw ang support to critical operations at para sa information and communications technology programs and projects partikular ang electronic services.
May inilaang Php 1.88 billion para sa konstruksyon, renobasyon at rehabilitasyon ng BIR office buildings at maging pagbili ng 62 motor vehicles.
Ngayong 2024, target ng BIR na makakolekta ng Php 3.046 trillion, mas mataas ng 21.05 percent kumpara sa 2023 target collection na Php 2.516 trillion.
Ayon kay DOF Secretary Ralph Recto, nasa Php 1.4 trillion ang nakolekta ng BIR mula January 2024 hanggang April 2024. Aminado rin siyang malaking hamon sa kanila ang target collection ngayong 2024.