MANILA, Philippines – NILINAW ng Malakanyang na hindi direktang makikipag-ugnayan at tulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng ginawang pagsisiwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may ‘official word’ mula sa ICC na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas para maprotektahan ang mga testigo laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na handa ang gobyerno na tulungan ang mga testigo.
“Parang sa ating pagkakadinig ay tutulungan ng DOJ (Department of Justice) ang mga witnesses para makapag-testify, para mabigyan ng hustisya ang dapat mabigyan ng hustisya. Hindi directly makikipagtulungan sa ICC,” ang sinabi ni Castro.
“Still, ang tutulungan po natin ay kapwa Pilipino na nangangailangan ng tulong para mabigyan sila ng hustisya. ‘Yan din naman po ang sinasabi ng Commission on Human Rights,” dagdag na wika nito.
At nang tanungin muli si Castro kung may ‘ basbas’ ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi niya na “‘Yun po ay, ‘yan din naman po ang gusto ng Pangulo, mabigyan ng hustisya ang dapat mabigyan ng hustisya.”
Nauna rito, ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may ‘official word’ mula sa International Criminal Court (ICC) na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas para maprotektahan ang mga testigo laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ito ay sa ilalim ng Witness Protection Program na kalimitang ibinibigay sa mga testigo na may natukoy na banta sa kanilang seguridad at buhay.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na ibibigay din ng gobiyerno ang suporta at kooperasyon sa request ng international tribunal, lalo na at batid aniya ng pamahalaan ang pangangailangang madala ng ligtas ang mga testigo sa The Hague.
Magbibigay din aniya ng financial assistance ang gobiyerno ng Pilipinas para magamit ng mga testigo sa pagbiyahe nila patungong The Hague kung saan nakatakdang isagawa ang trial laban sa dating pangulo.
Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang Justice secretary sa kahilingan ng kampo ng dating pangulo na interim release.
Paliwanag ng kalihim, alam mismo ng ICC na naging mahirap ang pagdadala kay Duterte sa The Hague at tuluyang paharapin sa korte; tiyak din aniyang magiging pahirapan kung sakaling payagan siyang makalabas sa detention facility patungo sa ibang bansa.
Nanindigan ang kalihim na mas nakabubuting manatili sa kulungan ang dating pangulo upang humarap sa kaniyang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 2025. Kris Jose